FTP Virus.

File Transfer Protocol (FTP) is a network protocol used to exchange and manipulate files over a TCP computer network, such as the Internet.

..

Nakasakay ako sa jeep kanina; biyaheng Market Market papuntang EDSA. At dahil public transportation ito, natural lang na hindi mo kakilala ang makakasabay mo. Kasagsagan pa naman ng Swine Flu ngayon, dali-dali akong naglabas ng bimpo para ipantakip sa bibig at ilong ko.

Isa na lang ang inaantay at aandar na ang jeep. Nakatayo sa may bandang likod ng jeep ang barker na sigaw ng sigaw ng “Ayala, EDSA! Ayala!” Hawak niya sa kanang kamay ang mga barya at sa kanan na man ang mga perang papel. Mayroon siyang beltbag. Naka sapatos siya pero hindi pormang pang mall ang suot niya. Parang pambahay lang din. Japorms na sana, talo lang dahil sa Tshirt na dating puti na ngayon ay hindi mo na alam kung brown o itim.

Sa wakas, lumapit na rin ang isang Matangkad na lalaki na naka barong. Nag-abot ng 10pesos na barya at sinuklian siya ng tatlong mamiso. Kasabay ng paglakad ng barker sa gilid ng jeep papunta sa tsuper ay ang pag-akyat naman ng jeep ng huling pasahero. Umusod ang lahat at naupo ang pasaherong ito sa tabi ko. Dahil medyo masikip; in and out ang porma naming mga pasahero para lahat magkasya. Naka IN ako, naka OUT naman ang bagong salta.

Naglabas siya ng cellphone. Maganda ang telepono niya. Hindi ko kabisado ang mga cellphone pero alam kong Sony Ericsson yun. Binuksan niya ang INBOX at saka tumingin sa stored messages. Hindi na niya nireview ito at hinanap ang option na ERASE ALL. sa isang iglap, nawala lahat ng messages; clean slate na. Naisip ko, bat kaya niya ginawa yun? sobrang seloso siguro ng asawa niya. Ayaw siguro ng asawa niya na may iba siyang ka text.

Habang nagi-imagine ako kung panong suntok ang gagawin ng asawa niya ang mangyayari at kung hanggang anong round ang itatagal ni kuya, napansin ko na hawak pa rin ni kuya ang cellphone niya. This time, received at unanswered calls naman ang dine-delete nito. Hindi ko na napansin kung pati phone book entries na-delete nya na rin. Siguro sobrang seloso nga ng asawa niya kaya ganun na lang ang pag-iingat niya. Nasa McKinley Drive na kami nang itago niya ang kanyang cellphone. Syempre apektado ako dahil kailangan gumalaw sa pagkakaupo ang pwet ko.

Sinilip ko ang aking cellphone. Wala itong silbi sa ngayon. Nakalimutan ko palang mag charge.

Hindi man lang nagparamdam ang kahit na ano, biglang may tumunog na cellphone. Malamang hindi sa akin yun, kasasabi ko lang na walang charge cellphone ko. At tignan mo nga naman, masikip na nga, kailangna ko na naman pumihit para lang mailabas ni kuya ang cellphone niya. Idinikit niya ang Sony Ericsson sa kanyang mukha at nagsimulang magsalita. “O ano Swer? Swige Swer, owkei na po yun swer.” Anaknamputs. Ibang virus pala ang makakasabay ko sa FTP na ito. Hindi pala Swine Flu (H1N1). Virus pala ng federashyon.

Pagbaba ko ng Jeep, Naramdaman ko ang isang malaking ginhawa. Wala na tayo sa pagkakakulong sa masikip na lugar. Malaya na tayo sa iba’t ibang klase ng virus.

Buti na lang nagtakip ako bimpo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *