Swoosh News: Sunog sa Makati

Kakarating ko lang sa opisina. Habang may maiksing meeting kami, may mga dumadaan galing sa open area (na tinatawag na yosi area, upang doon sila magbugahan ng usok). Isa isa sila na nagsasabing, “ambaho”, “masakit sa ilong”, “kadiri”. Alam ko, naligo ako at sigurado akong hindi ako ang pinag-uusapan nila. Sana totoo nga na hindi ako.

Nang magpaalam ang aming bisor para mag-CR, tumayo rin ako.  May nakasalubong ako na mga ka-opisina na nagsabing may sunog daw sa likuran ng building namin. Dahil pasaway ako, tumingin ako doon. Oo nga, may sunog nga.

Makapal ang usok, isa-isang dumarating ang mga bumbero. Kung saan-saan sila galing; Makati, Binondo, Marikina, Quezon City. Kung anu-anong barangay. Bawat sasakyan ng bumbero, may pangalan ng pulitiko. Yung sa Binondo lang ata ang wala (malay ko ba kung yung Chinese Character dun e pangalan pala ng barangay captain nila). Sari-sari ding tao ang nakikiusisa. Mga tambay, mga negosyante na umuupa sa building, mga usiserong corporate slaves at syempre, mga iskwater na naninirahan sa likod ng building.

Dahil isa ako sa mga usissero, bumaba din ako nung break ko at kumuha ng mga pictures. Ngayon ako nagsisisi kung bakit hindi ganun kaganda ang camera ng phone ko. Pero gumagana pa rin naman ang 2 megapix camphone nito kaya sige lang, sugod lang. Feeling ko, isa akong media man dahil kasama ko sa mga usisero ay ang mga naka-ID na reporter ng GMA-7. Di ko na sila kinilala, hindi rin naman nila ako kikilalanin e.

Nalaman ko na sa building na Campos Rueda talaga nagsimula ang sunog. Nalaman ko rin na pinapasa lang ng mga fire truck ang tubig papunta sa fire truck na nasa harap para hindi na sila lahat mag mani obra at mahirapan sa “substitution” pag naubusan na ng tubig ang isa. Nalaman ko rin na mayayaman din pala ang mga iskwater sa Makati. Naglilikas sila ng kani-kanilang mga TV, DVD player, Amplifier, kumot, unan, sofa at refrigerator.

Ganito talaga kami sa Makati. Suportado ng buong bayan. Sana lahat ng lugar sa Pilipinas, Makati ang pangalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *