Ayala papuntang Boni MRT Station

(part 1 of a 2-part series) Pauwi from Makati.

Kakahatid ko lang kay Glorien sa trabaho. Galing kami sa kanila dahil birthday ng kanyang older sister na si Ate Calene. Matapos ko ibigay sa kanya ang kanyang packed lunch at huminto sandali sa landline para subukan kung makakatawag sa customer service ng Globe, lumabas na ako ng building at nag-abang ng bus. May mga kasabay naman ako na nag-aabang rin.

Pagsakay ko sa bus, napaupo ako sa pantatluhan na upuan sa unang row. Sa likuran lang ako ng driver. Di pa nagiinit ang pwet ko, siningil na ako ng konduktor.

“San kayo?”

“Boni..” sagot ko. Sabay abot ng isandaan.

“Pahingin piso,” para nga naman masuklian niya ako ng 90 pesos.

Nag-abot ako ng piso. Binilang ko ang sukli. Naglakad na ang koduktor papunta sa likod ng bus para maningil ng iba pa.

Unang kanto, iniisip ko kung may pera pa ako para sa susunod na linggo. Hindi na ata kasya sa budget. Marami pa ako iniisip bukod sa pera. Basta busy ako sa pag-iisip.

Huminto ang bus sa pangatlong kanto. Sumakay ang inspektor. Sa mga bus sa Maynila, pag sumakay ang inspektor, dapat ipakita ng mga pasahero ang kani-kanilang mga ticket, patunay na nakapagbayad sila. Anaknampucha, hindi ako nabigyan ni konduktor. Nasa harapan pa naman ako. Nang hinihingi na sa akin ng inspektor yung tiket ko, wala ako naibigay.

“Boss, hindi ako nabigyan ng ticket,” pauna ko nang bati sa kanya.

“Binigay ko na sa iyo,” pilit na sinasabi ng konduktor na naibulsa ko lang daw, baka nahulog ko lang daw, at kung anu-ano pa. Binuklat ko ang bag ko, wala. Lahat ng bulsa ko binaligtad ko, wala. Pati ang plastik ko na may mga maruruming damit nilabas ko, wala din. Sabi rin ng katabi ko, wala rin daw siyang napansin na inabot sakin na tiket. Lagot si konduktor.

Syempre, gagamitin ni inspektor ang kanyang critical thinking skills.

“San kayo bababa?” tanong ng inspektor sa akin.

“Boni..” nasabi ko na ang salitang Boni kanina a.

“San kayo galing?” tanong niya.

“Sa RCBC.” sagot ko.

Tinignan niya ang numero ng mga tiket ng iba pang pasahero. “Mayapis 268, Kanto ng De La Rosa 270.” Mga kanto ng kalsada yun sa Buendia at Ayala. Kulang ng isang numero. “Sino ang sumakay dyan ng RCBC?” Nagtaas ng kamay yung isa sa likod. “RCBC 269..” Lagot, Lahat ng mga tao na sumakay bago ako, kasabay ko, at pagkatapos ko, lahat sila may tiket. Ako lang ang wala.

Marami pa ang sumakay, marami rin ang bumaba. Bumaba na rin sa EDSA yung inspektor. Marami akong iniisip na bagay. Basta nagbayad ako at nasuklian ako ng tama.

Bago ako bumaba, medyo napansin ko lang; yung isang bagong sakay na babae na nakatabi ko, nagsalita matapos siyang masuklian. “Kuya nasuklian mo na ba ako? parang kulang po ito,” Sabi niya sa konduktor.

Sabay abot ng konduktor ng dagdag sa sukli ng babae.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *