Boni MRT Station papuntang 3rd St. Sta.Mesa

(part 2 of a 2-part series) Pauwi from Makati.

Kakahatid ko lang kay Glorien sa trabaho. Matapos ang aking mini adventure sa bus na sinakyan (na wala naman akong bus ticket bilang pruweba sa inyo, pasensya na), umakyat na ako sa hagdan ng MRT Boni Station north-bound side. Mga 30-40 steps din yun, at dahil hindi naman ako ganun ka fit-to-work, humihinto ako pagdating ng 20 steps.

Iniisip ko pa rin yung budget ko. Tsaka iniisip ko pa rin yung mga ibang bagay, nadagdagan pa ng konsumisyon na nangyari sa akin sa bus. Nakarating ako sa tuktok ng hagdan at kailangan ko nang maglakad, pero hindi pa rin solved ang problema ko. Himala na lang ang inaantay ko.

May portion sa Boni MRT na kitang kita mo ang mga sasakyan sa southbound lane. Mataas na lugar ito at mataas din ang railings. Nakakatakot kapag dumungaw ka. Hindi ko alam pero first time kong nagtagal sa lugar na iyon. Wala lang; gusto ko lang tumingin sa ilaw ng mga sasakyan at hulaan kung anong klase ng sasakyan yung naglalabas ng ilaw na iyon. Awa ng Diyos, hindi ako tumama sa kahit na anong hula ko.

Bumaba na ako sa escalator na hindi umaandar. Sa umaga lang umaandar yun. Naglakad na ako papunta sa pila ng jeep sa terminal, Boni Pinatubo papuntang Stop n’ Shop yung mga jeep. Marami na ang nakasakay. Dun ako dumiretso sa upuan na paborito ko, yung upuan sa likod ng driver. Ayon sa statistics, pinakamalayo yun sa mga holdaper at snatcher, pero pinakamalapit sa pagiging martir. Biruin mo ikaw ang taga-abot ng bayad ng iba. Buti na lang may konduktor na mahaba ang kamay, pagkabayad ko, wala pang 40 seconds, umandar na ang jeep.

Hindi pa kami tuluyang nakakaalis sa pila, may humarang na sa harapan ng jeep. Malaki siyang tao, madungis siya, pula ang damit niya XXXL pero parang masikip pa rin sa kanya. May hawak siyang cellphone. May kausap siya dito, pina-para niya ang jeep namin at sinisigawan ang driver namin.

“Tol, tol, tol” Sabi ni Fatboy.

“Ano e?, pa byahe na ako e,” sagot ng tsuper na parang si Robin Padilla ang tono ng boses.

“Eto si Anna, hinahanap ka, kakausapin ka daw.”

“Sabihin mo sa cellphone na lang ni Jojo tumawag,” Patungkol ng tsuper sa konduktor namin na kasama.

“Hindi daw niya alam number, eto mag-usap kayo,” sabay pasa ng cellphone sa tsuper.

Doon ko lang nadiskubre na napakahusay ng tsuper namin. Isang kamay sa cellphone, isa sa manibela, sumisigaw na parang boses ni Robin Padilla, sumasagot sa konduktor kung magkano dapat ang sukli ng tatlong tao na bababa sa Shaw Blvd, sinasabihan si Fatboy na iwan na lang muna sa kanya ang cellphone at huwag sumabit sa gilid ng jeep, makipag usap sa kanyang chickababes at makipagbiruan at patakbuhin ang sasakyan na parang isang NASCAR driver. Nagtataka nga ako kung paano siya nakakakambyo pa, wala na siyang kamay para doon.

“Ala e, ako pa ang mayabang ngayon,” sabi ng tsuper sa kausap sa cellphone, “sumakay ka dito sa jeep ko para mawala etong kayabangan ko.”

Simpatiko din talaga ang tsuper.

“Pagkaluko mo rin talaga ano, isulat mo na lang tong number ni Jojo, para makabitaw na si taba sa pagkakakapit.” Tumatawa na ang lahat ng pasahero, mga limang kanto nang nakasabit si Fatboy.

“Akin na yang cellphone!” Sigaw ni Fatboy, nakakatakot baka maputol ang kinakapitan niya.

“Bibigyan na lang kita ng pamasahe!” Sagot naman ng tsuper, sabay kabig, kambyo, at bigay ng sukli. Tumatawa pa rin kaming mga pasahero.

Halos nasa Mandaluyong Circle na kami nang mag lowbat yung cellphone ni Fatboy. Hindi ata naisulat nung Anna yung number ni Jojo. Nakababa na rin si Fatboy at nakasay na ng jeep pabalik sa terminal, konduktor ata siya ng isa sa mga jeep doon.

Tumatawa pa rin yung mga kasakay ko.

Sa panandaliang kaganapan na iyon, nakalimutan ko ang iniisip kong mga problema.

Pero pagbaba ko sa 3rd St., nag-iisip na naman ako.

0 responses to “Boni MRT Station papuntang 3rd St. Sta.Mesa

  1. salamat sa paglagay ng blog ko sa links mo promking…FELMAR yon ha..
    .-= Fr. Felmar Castrodes Fiel, svd´s last blog ..KAINAN NG BAYAN =-.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *