Abby Garra

Sa apat na magkakapatid na Garra, ikaw ang pinakamakulit. Ikaw kasi ang bunso at medyo spoiled. Medyo black sheep nga ang tingin namin sayo; pero para sa akin, isa ka pa rin kaibigan.

Kapatid ka ng kaklase ko noong elementary. Family friends din ang mga pamilya natin, pero hanggang dun lang yun. Hindi naman kita ganoon kakilala e. Pero may natatandaan ako kahit papano tungkol sayo.

Naaalala mo noon, kapag tapos na ang putukan sa New Year. Dumadalaw kami sa lugar ninyo para kainin ang tira tira sa mga Media Noche ng bawat pamilya. Andaming kwentuhan ng mga magulang natin. At tayo naman, nagtatakbuhan at naglalaro. Punung puno tayo ng energy para sa bagong taon.

Mabigat pa nga ang kamay mo minsan kapag nagkakabiruan. Yung simpleng pag kalabit sa mataya-taya natin, nagiging tulak kapag ikaw. Hindi ka rin naman ganoon kabili tumakbo at dahil pinakabata ka noon, minsan, saling pusa ka lang.

Kumusta na yung chikiting mo sa SanLo? sana ok lang siya. nung huling kita ko sa kanya, ang likot na a. sayang hindi mo pa nakita yung chikiting ng kuya ko. sure ako magiging magkasundo sila ng anak mo.

Sana pinagbigyan mo na yung kasunod. Hindi niya kasalanan ang minsang kapalpakan ng mga tao sa paligid niya. Sana binigyan mo siya ng pag-asa na mabuhay. Hindi na sa sana nahantong pa sa ganito.

Mamaya, pupuntahan ka nila mommy. Sure ako yun na ang huling pagkakataon para magkaroon pa ng konekta ang mga buhay natin.

Wag kang mag-alala, mahal ka ng pamilya mo. Sigurado ako, nalulungkot din sila sa nangyari sayo. Andyan sila Mai-mai, Ate Les, at Ate Dianne para alagaan ang mga naiwan mo.

Hanggang dito na lang. Maligayang paglalakbay sa kabilang ibayo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *