P:MM – Bisikleta

Alas tres ng tanghali, medyo mataas pa ang araw. Hindi pa advisable para lumabas ng kalsada para maglaro. Pero dahil sa kakulitan ko at kagustuhan kong matutunan gamitin ang bisikletang pinamana sa amin ng aming mga pinsan, pinipilit ko ang nanay ko na payagan akong lumabas.

Summer noon. Sobrang init sa labas. Tuyung tuyo ang kalsada. May mga maliliit na  butil ng grava at bato at walang bakas ng tag-ulan. Maalikabok ang sahig na nagbibigay ng dulas sa kahit na sinong naglalakad. Buti na lang at walang mga taong wala sa katinuan na lumalabas ng bahay sa oras na ganito.

Sinilip ko ang gate namin, patingkayad akong sumilip sa kalsada. Siyam na taong gulang pa lang ako noon. Yung maliit na bisikleta ko lang ang kaya kong dalhin. Pero yung mas malaking bisikleta na kagagaling lang sa aking kambal na pinsan sa Maynila ay hindi ko pa abot masyado. Ang manibela nito ay pakurbada na parang letrang “S”. Ibang iba sa ginagamit kong bisikleta.

Napalingon ako sa kandado ng gate. Hindi naka-lock. Sinubukan ko buksan at ako ay nagtagumpay. Kahit na mabigat akayin ang bisikleta ng kambal, kinuha ko ang isa. Inalalayan ko ito palabas ng gate. Sa tulong ng railings ng aming gate, nakasampa ako sa bisikleta.

Narinig ko na lang ang nanay ko na nagsabi, “bahala ka sa gusto mo.”

Inulit ulit ko sa utak ko ang sinabi niya. Bahala ako sa gusto ko, ako ang bahala, bahala na…

Sa pagpedal ko ng kanang binti, umusad ang bisikleta. Sanay naman akong bumalanse kaya naka usad ako ng mga lima pang hakbang. Pero sa bawat pagpedal ng aking kanang paa, nawawala na ang pagkakaabot ng kaliwang paa ko sa kaliwang pedal.

Pinagpatuloy ko ang pagsikad. Kahit na mahirap e pinilit kong umusad. At nang makaabot na sa pangatlong bahay mula sa amin, sinubukan kong magmani-obra para makabalik. Bahagyang tumagilid ang bisikleta. Hindi naabot ng kanang paa ko ang pedal para makabalanse.

Tumumba ako kasama ng bisikleta.

May mga dumikit na bato sa aking tuhod. Puro alikabok din ang shorts ko na Chicago Bulls. Matapang naman ako na tumayo at inalalayan ang bisikleta papunta sa bangketa sa tapat ng bahay namin. Susubukan ko ulit sumakay. Hindi ako magpapatalo.

Pero napahinto ako ng sandali. Pinagpag ko ang dumi sa aking mga binti. Natanggal ko ang alikabok sa aking shorts. Inisa-isa ko ang mga butil ng bato sa tuhod. Sa bawat bato na naiaalis ko, lumalabas ang kulay pulang tubig mula sa aking balat.

Nasugatan ako.

Hindi ko na muna pinagpatuloy ang aking misyon. Tigil na muna tayo. Lumalabas na hindi pa ako handa para sa bisikletang ito. Kulang pa ako sa tangkad.

Umiiyak akong lumapit sa nanay ko. Sinisisi ko siya dahil hindi niya ako inalalayan sa aking misyon.

Habang ginagamot niya ang aking mga sugat, sinabihan niya ako, “Pinigilan kita pero sumige ka pa rin. Ikaw ang may gusto niyan.”

Nakatikom na ang bibig niya pero naririnig ko pa rin ang boses niya sa aking utak; “Bahala ka sa gusto mo.”

Ginusto ko ito. Patuloy kong gugustuhin; at ang minsang pagkakatumba ay hindi makakatalo sa akin.

Sinubukan ko ulit ang misyon kinabukasan.

******

Mahusay na akong magbisikleta ngayon. Kahit lasing ako, kaya kong ibalanse ang sarili ko sa bisikleta. Kaya kong mag bisikleta na hindi nakahawak ang kamay sa manibela. Nakakaabot ako ng Taft Avenue gamit ang mountain bike na si Dynamex. Hindi problema sa akin ang trapik dahil kaya kong magbisikleta.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *