P:MM – Summer Lock out

Summer ng year 2000 noon. Walang pasok dahil summer break. Mahusay ako sa school kaya hindi ako nagsa-summer classes. Wala naman ako ginagawa kundi manuod ng TV, makinig sa radyo, at maglibot sa subdivision sa hapon gamit ang bisikletang si Renegade.

1st year going 2nd year HS ako. Bagamat iba na ang school ko, hindi ko pa rin nakakalimutan ang mga tropa ko nung elementary. Masarap kasi silang kasama. Nagchampion na rin kami sa basketball league ng dalawang beses sa team namin na Saints.

Isang tanghali, naisipan ko pumunta sa bahay ng isa sa mga teammates ko sa basketball. Siya ang PF namin na si Komiks. Malaki ang bahay nila dun sa pataas na kalsada. Meron silang PlayStation at naglalaro ako ng Metal Gear doon.

Pagdating ko sa kanila, nandun na pala ang kaibigan namin na si SF Yussef. Kumakain ata sila ng Chippy. Syempre nagbukas kami ng TV. Nang boring na ang pinanunuod, nakinig kami ng radyo at sinifra namin ang mga kanta. Hindi pa nga nila ma-perfect ang mga intro at verse, may kasunod na kagad na kanta.

Bumili na rin kami ng makakain dahil hapunan na. Barbeque lang sa kanto, ayos na samin yun. Kwentuhan sa lamesa, tawanan, biruan. Nagtutuksuhan na rin kami tungkol sa mga crush crush. Kilala nga nila yung trip ko na kaklase sa bago kong school.

Habang naglalaro sila ng Final Fantasy sa PlayStation, ako naman ay nasa computer at nagcha-chat. Pinamana na ni Komiks sa akin ang kanyang pseudo chatname na maxterspade. Ang ginawa ko; dinagdagan ko na lang ng 12ph dahil 12 years old pa lang ako noon at ph dahil taga-Pilipinas ako. Mga banyaga kasi ang ka-chat ko kadalasan.

Matapos manuod ng Ghost Fighter at magpanggap na 17 sa chatroom, napansin namin na malalim na ang gabi. Halos alas onse na. Malapit lang naman ang bahay ni Yussef kaya naglakad na siya pauwi. Sinundo ko naman si Renegade sa garahe at nagpaalam na kay Komiks. Sobrang dilim na sa subdivision. Awa ng Diyos nakarating naman ako sa bahay namin.

Problema nga lang sa bahay, naka-lock na ang pinto. Hindi man lang ako tumawag na gagabihin na ako. Pinagsaraduhan ako ng tatay ko. Sa labas na lang daw ako matulog.

Mula sa gate namin, naririnig ko ang nanay ko na nagmamakaawa sa tatay ko na papasukin na ako. Gaya ng ibang mga tatay, nagmamatigas ang tatay ko.

Wala akong magawa sa labas ng bahay. Nang maramdaman kong seryoso ang tatay ko sa parusa, umalis ako sa tapat ng bahay namin. Pinarada ko si Renegade sa may tindahan sa katabing bahay at pumorma ng paghiga sa bangkô.

Sinabi ko na sa utak ko na wala akong magagawa. Matutulog na ako sa bangketa nito. First time to pero ayos lang. Ang bawat kasalanan ay may naka-abang na parusa.

Makatapos ang ilang minuto, bumukas ang gate namin. Kalmado na ang tatay ko. Pinapasok ako sa loob ng bahay namin. Sinabihan ako na grounded ako. Wala akong nagawa kundi mag-sorry.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *