Busy ako sa trabaho, nakaupo ako araw-araw sa harap ng aking monitor. Nagku-query ako ng mga open cases at pilit na niri-resolba ang mga hindi kayang ma-close ng mga agents. Ganun ang trabaho ko bilang isang Rework Agent.
Pag minsang pupunta ako ng CR, maglalakad ako sa aisle na puro agent na nagko-calls. Bago ako makarating sa CR, may magtatanong muna sa akin at magpapatulong sa mga problema nila sa customer. Parte ng trabaho ko ang pagtulong sa mga nahihirapan. Superhero na trabaho kung maituturing, pero syempre, may kapalit na paggalang galing sa mga agents, at sweldo galing sa kumpanya. Pag alam na ng agent ang gagawin, saka lang ako makakapag-CR.
Ganyan ang trabaho ko ngayon. Masaya naman ako sa ginagawa ko. Hindi ganun kahirap dahil nakasanayan ko na. Madalas ako masigawan ng kausap ko sa telepono pero ayos lang, kasama yun sa job description ko. Kahit murahin ako ng paulit ulit sa wikang Ingles, ayos lang, di ko naman pinapansin yun gaano. Lumalabas lang sa kabilang tenga ko.
May kanya-kanya tayong hirap sa ginagawa natin ngayon. Dahil medyo magaan naman ang aking trabaho, at alam kong hindi naman kita kayang tulungan sa ginagawa mo, hayaan mo nang pangitiin ka ng mga simpleng ginagawa ko. Mga simpleng kumusta, mga simpleng hello, mga simpleng good morning at good night. Hindi naman kawalan sakin ang boses na ginagamit. Wala namang bayad ang mga salitang aking binibitawan.
Hindi mo kailangan magreply. Masaya na ako na napangiti kita.
“Kumusta? Heavy day ba?”