Daily Archives: 2010-10-20

P:MM – Lucky 1

Christmas party namin nun. Grade 2. Walong estudyante: isang titser, ganyan ang ratio ng school namin na nasa first schoolyear pa lang ng operations.

Hindi ko sure kung nagkukuripot ang adviser namin at hindi kami kayang bigyan lahat ng regalo o trip niya lang talaga magpakulo. Pwede rin naman na hindi kasya sa budget niya, kaya ginawa na lang niyang raffle ang regalo niya sa amin.

Most probably, babae ang mananalo. Six out of 8 ang mga babae. Pero kinonsider pa rin ng titser ko ang 25% chance na lalaki ang mananalo kaya unisex na item ang premyo niya.

Isang malaking Unan na sobrang lambot. Makakatulong ito sa paglaki namin. Kailangan ng bawat bata ng sapat na oras nang pagtulog para lumaki ng tama.

Mahusay na sistema ang ginawa ng adviser namin. Kumuha siya ng walong papel at sinulatan ang isa ng “congratulations”. Ang pitong natira ay puros mga blangko. Nilagay ang mga piraso ng papel sa kahon at pinaikot sa aming mga magkakaklase.

According to height ang pagbunot ng papel. Last ako. Matangkad ako nung grade 2 ako kumpara sa mga kaklase ko. Hindi na ito totoo ngayon.

Bawat pagbunot ng mga nauna sa akin, at excited na pagbubuklat ng nakatiklop na papel, bumabakas sa mga mukha nila ang lungkot. Hindi nila nabunot ang “congratulations”.

Nagdududa na ang lahat. Mukhang stir lang si ma’am. Wala naman atang papel na may nakasulat na “congratulations”.

Pitong kaklase ko na lahat nakasimangot ang nakatingin sa akin. Ako ang huling pag-asa. Nangungusap rin ang mga mata ng titser ko na para bang sinasabing, “siguraduhin mong mabubunot mo ang congratulations. Ayokong magmukhang sinungaling”.

Ipinasok ko ang kamay ko sa kahon.

Kasama ang taimtim na pagdarasal namin lahat, binunot ko ang kahulihulihang papel.

Dahan-dahan itong binulatlat.

“CONGRATULATIONS”

Ang suwerte ko nga naman talaga. Naiuwi ko pa ang unan.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.