Ito ay medyo naku-kwento lang sa akin ng nanay ko. Sobrang bata pa kasi ako noon, 4 yrs old ata, at konti lang ang naaalala ko.
Meron kaming favorite kumot sa pamilya. Paborito ito dahil malambot ang tela niya at maganda ang design. Sa tatay ko ang kumot. May pangalan na NOEL sa bandang gilid nito.
Pag bumangon na ang tatay ko, iiwan na niya sa kama ang kumot. Kapag naalimpungatan ako at napansin ko na hindi na niya gamit ang kumot, kinukuha ko na ito. Nakikipag-unahan pa sa akin ang kuya ko para sa kumot.
Isang umaga, pagkabangon na pagkabangon ng tatay ko, bumangon kaagad ako para kunin ang kumot. Sabay na sabay kami ng kuya ko sa pag-abot sa kumot.Nakuha ko ang bandang dulo pero mas matalino siya kaya yung bandang gitna ang nakuha niya.
Hindi na kami nag-usap pa. Nang magkatinginan kami, alam na namin kaagad ang gagawin.
Tug o’ War.
Di hamak na mas malakas ang kuya ko sakin. Kahit isang taon lang ang tanda niya, mas mataba at mas matangkad siya. Unti-unti siyang nananalo sa hilaan ng kumot. Kahit na buong pwersa ng mga kamay ko ang gamitin ko, hindi ko pa rin maagaw sa kanya ang kumot.
Pero hindi ako magpapatalo.
Kinagat ko ang dulo ng kumot. Gamit ang mga ngipin ko, sinabayan ko ng hila ang ang mga kamay ko. Magandang ideya.
Pero hindi ako nagtagumpay.
Natanggalan lang ako ng ngipin. Dumudugo ang bibig ko. Nanalo ang kuya ko sa Tug o’ War. Bukod sa kumot na napanalunan niya, may bonus pang ngipin.
Mula noon, natu-trauma na ako sa mga Tug o’ War. Ayoko na makipag-agawan, lalo na kung alam ko na mas malakas ang kalaban.
Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project: Memory Miyerkules” .
Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.