Daily Archives: 2010-11-19

Harang

November 13, 2010. Saturday. 4am

Ugali ko ang umuwi kaagad pagkatapos ng trabaho. Ngayong single ako, wala akong dahilan para mag lamierda. May kasabay naman ako lumabas ng opisina kapag 4am.

Wala nga pala akong sasakyan. Kailangan ko mag commute. Ang ruta na dalawang sakay ang tatahakin ko. Isang bus papuntang Boni. Isang jeep papunta sa kanto ng 3rd St. Sapat na ang bente pesos para dun.

Matapos makipagkwentuhan ng kaunti sa mga kasama sa opisina, bumaba na ako. Nagsuot ng earphones at nilagay sa Love Radio ang FM station. Nilakasan ko pa ng kaunti para hindi ako makatulog sa biyahe.

Pagbaba ko ng bus sa may Boni. Naisip ko na mag withdraw muna. Sweldo kasi namin nun. Baka kasi kailangan na ng panggastos sa bahay. Mabuti na ang may pera na maiabot kesa matagalan pa. Ganun din naman ang resulta, babayaran din naman ang ilaw, tubig, etc. etc. etc.

Naglakad ako hanggang sa sakayan ng jeep. Sumakay ako sa nag-aantay na biyaheng Boni-StopNShop. Kahit hindi puno ang jeep, lalarga si manong. Aabutin pa ng kalahating oras pag iintayin pa namin mapuno ang jeep. Baka antukin kami lalo.

Mabilis magpatakbo ang driver. Hindi ko alam kung natatae lang siya o ganun talaga siya magpatakbo.

Matapos ang halos dalawampung minuto ng paglalakbay, pumara ako sa kanto ng 3rd st. Bumaba at nakipagpatintero sa mga truck na dumaraan. Hinawakan ko ng mabuti ang mga gamit ko dahil baka liparin ng kung anong masamang ihip ng hangin. Naglakad na ako pababa ng 3rd st. Tatlong kanto na lang, bahay na namin.

Pag kaliwa ko sa dulo ng 3rd st. Napansin ko ang mga nakaparada na sasakyan. May tao din sa Outpost sa kanto. Medyo madilim pa ang paligid kahit 5am na.

Hindi pa ako nakakalayo sa 3rd st. May motor na bumagal sa tabi ko. Dalawa silang nakasakay. Hinayaan ko lang.

May kasunod silang motor. Dalawa rin ang nakasakay. Huminto ito sa may bandang 2 o’clock ko. Bumaba ang backride. Napahinto ako ng lakad.

Kinawayan ako nung bumaba. Nagsasalita siya. Hindi ko naiintindihan dahil naka earphones ako. Pilit kong binabasa ang bukambibig niya. Hindi siya naka helmet.

Wala pang tatlong segundo,  nakapaglabas siya ng baril galing sa may bandang harapan ng shorts niya. Naitutok niya iyon sa leeg ko. Naging klaro lang ang sinasabi niya dahil malapit na siya at natanggal ko na rin ang earphones ko.

“Bigay mo. Babarilin kita.”

itutuloy pa ulit…
2nd of 4
 
Ito ang kwento nang maholdap ako noong November 13, 2010.
Isinasalaysay ko lang kung ano ang aking naaalala.

Part 1 : Bad Feeling
Part 2: Harang
Part 3: Bigay Mo, Babarilin Kita
Part 4: Safe