Daily Archives: 2010-11-22

Bigay mo, Babarilin kita

November 13, 2010. Saturday. 5am

“Bigay mo. Babarilin kita.” Mas malinaw na ang sinasabi niya ngayon. Holdap ang pakay niya. Siya lang ang lalapit. Sisiguraduhin ng mga kasama niya na wala nang tutulong at magpapakabayani.

Hindi sumagi sa isip ko na basta na lang ibigay ang gusto nila. Hindi ako makakapayag na magtagumpay ang mga kumag na ito. Kahit na lamang sila ng kaunti, hindi ako papayag na maisagawa nila ng maayos ang kanilang binabalak.

Napasigaw na ako ng malakas. Panic mode na to.

Sinabayan ko ang pagsigaw ng pagtakbo ko. Zigzag dapat. May baril kasi siya. At kung may haharang sa akin na kakampi niya, bibigyan ko ng ankle-breaking crossover move.

Natabig ko ata ang baril niya. Hindi ko alam.

All the while, sumisigaw pa rin ako.

May nakita akong isang sasakyan na nakaparada sa bangketa. Ito ang ruta na magliligtas sa akin. Thank you Lord. I need 7 steps to take cover.

Pag bunny hop ko papunta sa makipot na daan between the vehicle and the gate, may napansin akong tumama sa akin galing sa likod, nakaka 6 steps pa lang ako.

Makirot ang tinamaan. Parang may sumuntok din sa mga lamanloob ko.

Isa lang ang sigurado ako, tunay ang baril niya. Tinamaan niya ako sa may bandang spinal column. Pumasok mula sa kanang bahagi ang bala at nagbigay ng biglaang pressure sa aking internal organs sa bandang kaliwa.

Pero hindi ako sigurado kung kakayanin ko pa. Pag napuruhan ang spine ko, tutumba ako sa kasunod na landing step ng aking bunny hop.

Pinakiramdaman ko ang katawan ko. Hindi ako tumumba. Buhay pa tayo.

Tinuloy ko ang pagtakbo. Tinaasan ko pa ng isang octave ang aking pagsigaw.”TULONG”. Apat sila; kailangan ko ng kakampi.

Swerte naman at may tanod sa outpost. Bumaba siya sa kanyang station. Sumi-silbato siya ng malakas. Mas malakas ng kaunti kumpara sa sigaw ko.

Hindi niya ako tinulungan.

Hinawakan ko ang makirot na parte na tinamaan ng bala. Double check ko lang kung may sugat. Naramdaman ko ang lapot ng aking dugo. Humiga na ako sa gitna ng kalsada. Pinagpatuloy ko pa ang pagsigaw. Natatalo ako ng silbato.

Hinihipan pa rin ng tanod ang kanyang whistle. Hinarap niya kung saan ang mga holdaper. Nang nilingon ko kung saan siya nagpunta, wala nang mga kalaban. Pero may mga usisero sa kabilang kanto.

Binalikan ako ng tanod.

Kasabay nito ang paglapit ng mga kapitbahay. “Ano nangyari?” “Bat ka nakahiga?” “Sino ka ba?”

Sinagot ko lahat ng tanong nila sa isang sentence lang.

“Naholdap ako, binaril ako, may tama ako sa likod, tumawag kayo sa bahay, dalhin niyo ako sa ospital, apo ako ni Judge De Leon.”

Nahihilo na ako ng mga panahon na yon. Ayoko mag blackout tulad ng una kong disgrasya.

Maraming nakapaligid sa akin. Walang nagtangkang itayo ako o hawakan ang alinmang parte ng katawan ko. Please naman tumulong kayo. Teka, gising na ba kayo? Alas singko pa lang pala ng umaga. Sorry sa abala.

Pero ano ito? White light? Papalapit sa akin? Mamamatay na ba ako?

Tapusin na natin to..
3rd of 4
Ito ang kwento nang maholdap ako noong November 13, 2010.
Isinasalaysay ko lang kung ano ang aking naaalala.

Part 1 : Bad Feeling
Part 2: Harang
Part 3: Bigay Mo, Babarilin Kita
Part 4: Safe