Memory Miyerkules Merrier Christmas

Lumipat ako ng school pagtuntong ko ng First Year High School. Hindi na ako nag-aral sa eskwelehan sa tapat ng Enchaned Kingdom. Dun na ko sa iskul sa loob ng subdivision. Well, hindi naman ako nawalan ng communication sa mga elementary classmates ko noon. Marami na rin kasi kaming pinagsamahan.

Isang araw papalapit ang Pasko. Pinuntahan ako ng isang tropa. Nanghihiram siya ng bag. May dadalhin daw kasi siya para sa Christmas Party nila.

Malaki ang bag ko. Hawk Gear yun kaya matibay. Hanggang ngayon, nasakin pa rin ang bag. Yun ang bag ko buong High School. Yun ang kahuli-hulihan kong school bag. Sakto daw ang bag ko. Ayos to.

At syempre, hindi ako pumayag na ibang tao ang magkarga ng bag ko. Sumama na rin ako sa Christmas Party nila. Tutal, kakilala ko naman ang halos kalahati ng kanilang klase.

Punta muna kami sa bahay nila para i-pickup ang dadalhin para sa party. Excited na akong makita ang mga elementary classmates ko. Merry Christmas!

Nagulat na lang ako nang makita ko na nilalagyan ng Colt 45 beer ang aking bag. Anaknamputcha. Beer pala ang dadalhin. Nilagyan ng tela pang-cover ng beer. Then utensils sa taas in case i-check ng guwardiya. Hindi ko naalala na chineck ng guwardiya sa gate ng school ang bag ko.

Exciting.

Pumasok kami sa campus nila. Diretso na sa classroom. Andami nang tao. Casual attire lang silang lahat. Syempre, kumustahan muna sa mga dating kaibigan; sabay abot ng beer. Manginginom talaga ang mga elementary classmates ko.

Mabilis na naubos ang dala namin beer. Isang case lang ata yun. Nagtatanungan na kung gusto pa nila uminom at kung sino ang bibili. Basta ako, nakainom na ako ng kaunti, ayos na sakin yun.

Biglang pumasok ang adviser ng kabilang section. May dala siyang bote. Nakakuha pala siya ng beer. Pumunta siya sa gitna ng classroom.

Inihagis niya ang beer sa kanyang paanan. Nabasag ang bote. Umagos ang beer kung saan saan. Then, exit si mam, stage right.

Dun ko naramdaman na lagot na ang klase. Kailangan ko nang tumakas. Hindi na ako nagpaalam. Iniwan ko ang bag ko sa klasrum. Pumunta ako sa basketball court at nag-shooting at umuwi na ako pagkatapos.

Hindi ko na alam kung anong parusa ang iginawad sa mga pasimuno ng beer party. Basta ako, hindi ako naparusahan dahil hindi na ako estudyante dun.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *