Memory Miyerkules: Sakto

“Wait lang ha, pupunta lang ako kila komiks. Tatawagan na lang kita pag andun na ko”, banggit ko sa teleponto.

“Gano naman katagal?” Sagot ng aking kausap sa kabilang linya.

“2 minutes.” Hindi ko na inisip ang sagot.

Medyo may kalayuan ang bahay ko sa bahay nila komiks. Dinadala ko ang bisikleta na si Renegade pag pumupunta ako doon. Mabilis kasi si Renegade at mahusay sa mga paakyat.

Pagkababa ng telepono, nagpunta kaagad ako sa garahe. Nilabas ko si Renegade. Hindi na ako nakapagpaalam ng maayos.

Kaliwa, Kanan, Kaliwa, Kanan. Tuluy-tuloy ang pagpadyak ko sa pedal at pagmaniobra ng manibela. Malapad ang pagkakagawa ng manibela ni Renegade. Buo yung isang dipa ko at hindi kadali ang pagliku-liko.

Nang makaabot kila Komiks, nag doorbell ako. Mga tatlong beses. Lumabas ang kanilang katulong. Kilala na ako sa kanila kaya binuksan kaagad ang gate. Pinasok ko ang bisikleta at iniayos sa may garahe. Diretso ako sa 2nd floor para kumustahin ang kaibigan ko.

Hindi na rin ako nagpaalam nang iangat ko ang cordless phone. Dial kagad. 247-0790.

“Hello?” bati ko sa telepono.

“Wow.” sagot ng aking kausap. May naririnig akong maingay na alarm sa background niya.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *