Memory Miyerkules Sulok ng Salas

Bahay sa Sta.Mesa, mga anim na taon pa lang ata ako noon.

Kasama kong naglalaro ang bunso naming kapatid na si Choy. Lego ata ang binubuo namin. Mahilig akong bumuo ng robot na inilalaban ko sa kung anumang binuo ng kapatid ko.

Basta yung akin, robot. Yung kanya, mukhang manok na elepante. Hindi ko talaga maintindihan kung ano ang binubuo niya sa lego.

Pabilisan kami makabuo. Kadalasan, ako ang nauuna at susugurin ko kagad ang ginagawa niya kahit hindi pa buo ang kanyang manok. Syempre, pag ganun ang laban, panalo ako.

Isang umaga, nang mabuo ko na ang ginagawa kong robot, napalingon ako kung nasan dapat ang kapatid ko. Wala siya doon, at wala pa rin siyang nabubuo na kahit na ano.

Feeling ko, panalo na ako sa round na yun. Pero dahil mabait akong kapatid, nag-alala ako … San kaya nagtatago yun?

Hinanap ko siya, sa taas, sa kusina (madalas siya sa kusina), sa CR, sa ilalim ng lamesa, wala siya kahit saan.

Nang mabalik ako sa salas, may naamoy akong kakaiba. Sinundan ko ang amoy.

Natagpuan ko ang kapatid ko na nakaupo sa sulok ng salas. Mas lumalakas ang amoy habang papalapit ako sa kanya.

Pagtingin ko sa kanya, umi-ire pa rin siya.

Takbo na ako at hinanap ko si Ate Star, ang yaya ni Choy.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project: Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *