Nakasakay na ba kayo sa isang bus sa EDSA na may nagpri-preach na kung ano. Hindi ko alam kung El Shaddai siya o Iglesia ni Cristo pero ang alam ko, magpri-preach sila.
Simple lang ang scheme, tatayo sa gitna na bus na hindi masikip at magbubukas ng bibliya. Magpapakilala sandali at magbabasa ng kaunting verse. Magpapaliwanag ng kaunti tungkol sa nabasa. Tapos nun ay pipikit at magdarasal ng malakas. Magpapasalamat sa biyaya at hihingi. Ipagdarasal ang lahat ng nasa biyahe ganun na rin lahat ng mga naiwanan ng mga pasahero sa bahay.
Sakto lang naman ang dasalan.
Pero pagkatapos ng maiksing monologue na ito ay mamimigay siya ng ENVELOPE na may nakasulat na “Para sa Simbahan” at “Ang nagbibigay ng bukal sa puso ay pinagpapala ng Diyos”.
Nung una, umaangal pa ako sa mga ganito dahil feeling ko, pine-perahan lang ako.
Pero sa kagaya ko na busy na tao, kahit isang oras sa isang Linggo ay hindi ko na naibibigay para sa Diyos, siguro nga ay nakakatulong ang ganito.
Minabuti ko kanina na imbes na umangal e damahin ang pagdarasal. Wala akong paki-alam kung magkaiba kami ng Religion nung nagli-lead ng prayer, basta ang sa akin, pareho kami na nagdarasal. Pareho kami na nagpapasalamat, nagpupuri, at humihingi. Na kahit sa dalawangpung minuto sa loob ng bus papasok ng trabaho e maramdaman ko naman ang kabutihan na binibigay sa akin ng Diyos ko.
Pagkatapos namin magdasal, naramdaman ko ang gaan sa kalooban. Naramdaman ko ang ngiti sa aking labi na alam ko na may nagmamahal sa akin. Naramdaman ko na hindi nandyan ang mga taong yan para mambwisit, nariyan sila para bigyan tayo ng pagkakataon na mag-isip at magpasalamat sa Diyos; bagay na hindi na natin nagagawa parati.
Pag-abot sa akin ng sobre, nilagyan ko kaagad ng sampung pisong barya. Feeling ko kulang pa yun pero wala din talaga akong maibibigay dahil yun na ang pera ko na pang-yosi at pangchichirya. Sakripisyo na rin yun.