Inuman sa bahay. Pero sobrang bata ko pa para makisali.
Sa San Lorenzo na kami nun nakatira. May barkada na kaagad ang tatay ko sa village dahil ang Tunay Na Lalake, marunong makihalubilo sa kapitbahay. Ako? Hindi ako mahilig sa kapitbahay.
Pero kilala nila ako. Syempre, kung nakikipag-kapwa ka, iku-kwento mo at ipagmamalaki ang mga anak mo. Ganun talaga yun. At wala namang masama dun.
Isang gabi, nagkayayaan sila ng inuman sa bahay. Beer, Emperador, Black Label; yan ang paborito nila. Syempre may juice para sa mga asa-asawa at sa mga bata na bitbit. May pansit, fried chicken, special kare-kare, at mga chichirya. Pero hindi ko trip ang mga yun.
Sorry kung ginutom ko kayo, pero itutuloy ko na ang kwento.
Ang target ko kapag ganitong mga inuman ay ang mataba at malinamnam na LIEMPO. Hindi inihahain ang Liempo na buo. Hinahati ito para maging bite size. Para isang tinidor lang ang kailangan mo pag mamumulutan ka.
Medyo may katagalan din ihawin ang Liempo. Pwedeng sa likod, sa may poso, o di kaya sa garden sa may grotto namin siniset up ang ihawan. Syempre, may kakaibang timpla ang marinade ng Liempo (na hanggang ngayon e sikreto pa rin), na nagpapasarap sa putahe.
Yung sawsawan na toyo-suka-sibuyas-paminta-asin-asukal naman ang pampalupit sa sarap.
Kaya naman ako, parati akong nakaabang dun sa ihawan. Kapag may luto na, kahit umuusok pa sa init, kinukuha ko na yun. Hindi na yun nakakarating ng chopping board. Para akong bandit na nanghaharang ng mga tela na dumadaan sa Silk Road.
Memory Miyerkules ang tawag sa aking proyekto para ibahagi ang kwento ng buhay ko na may kinalaman sa sitwasyon ko ngayon. Bukod sa pagbibigay ng maiksing intro para sa mga susunod na blogpost, layunin din nito na maibahagi ang aking talambuhay.