Hinarang Ako Ng Apat

*Kinukwento ko to kanina lang sa officemate ko.

Lapitin talaga ako ng disgrasya pag malapit na ang Pasko. Malas talaga.

Kailangan ko kasi umalis ng maaga sa Pansol, Laguna. Seven o’clock ng umaga ang pasok ko at ganoong oras lang din magsisigising ang mga kasama ko. Kapag inantay ko sila, siguradong late ako ng at least dalawang oras.

Sayang ang bawas sa stats at kaltas sa sweldo.

Nasa dulo ng kalsada ang resort namin. Kailangan maglakad ng halos 200 meters papunta sa main road at lakbayin yun para sa highway. May mga bus na dumadaan sa highway na diretso sa Cubao kaya 2 rides lang susumahin e nasa opisina na ako.

Madilim ang kalsada na yun. May mga videoke sa loob ng mga resort at may mga kumakanta rin naman pero hindi mo maaaninag kung sino dahil sa taas ng bakod at mangilan-ngilan na mga puno. Mas nag-focus na lang ako sa paghakbang sa bakubakong kalsada na parang nasa moon dahil sa craters. Ayokong madulas. Kakabanlaw ko lang sa pool.

At marami din akong dalang gamit.

Matapos ang ilang minuto na paglalakad, nakita ko rin ang kanto ng main road. Sa wakas! Tanggal na rin ang kaba ko. Ilang hakbang na lang ito.

Pero laking gulat ko nang may sumalubong sa akin sa bandang kanan. Apat sila. Nanlilisik ang mga mata ng isa. Yung isa naman ay malaki at makapal ang buhok. May dalawang maliliit na kasunod sila.

Nang makita ako nung may nakakatakot na pulang mata. Tumakbo siya papalapit sa akin. Inilabas niya ang matalim na bagay na nakakabit sa kanyang katawan. Kitang kita ko kung gaano katulis ang mga yun.

Wala na akong nagawa kundi ang mapahinto. Naihagis ko yung hawak ko na hotdog sandwich papunta sa kanila na siya namang kinain nung malaki mula sa sahig. Patuloy pa rin sa paglapit yun isa kasunod ang dalawa pa nilang mga kasama.

Napaupo na lang ako sa takot.

Huminto ang lider nila mga anim na hakbang mula sa akin. Lumapit naman ang dalawang alalay at inamoy amoy ako. Tinitignan nila kung meron pa akong hotdog sandwich.

Wala na, naihagis ko na.

Pinagpatuloy ko na lang ang paglalakad habang sinisigawan pa rin ako ng lider nila. Takot pa rin ako na lumilingon habang hinahabol nila ako ng tahol.

Aw-aw-aw!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *