Hindi ako natural swimmer dati. Yung skill ko na pagdilat sa tubig, inaral ko lang. As much as possible, ayokong dumidilat sa ilalim ng tubig, dahilan para magdala ako ng goggles sa beach man o sa swimming pool.
Ayoko naman lumangoy na hindi ko nakikita ang ganda ng ilalim ng dagat. Baka rin may piso sa ilalim ng swimming pool; sayang din yun.
Elementary days. Isang summer.
Bitbit ng daddy nila Unni Matthew, naglakad kami sa mga pilapil ng isang palayan na katabi ng amin village sa San Lorenzo South Subdivision. Tinahak namin yung mga pilapil papalapit sa South Luzon Express Way. Buong akala ko, makikipagpatintero kami sa mga Toyota Corolla at Honda Civic na tumatakbo ng 100kph.
Hindi naman pala.
Alam ba ninyo kung saan galing ang tubig sa palayan? Pina-pump pala ang tubig na ito mula sa isang irrigation base. Dun ang punta namin. Medyo malaki ang tangke ng irrigation at pwede daw magbabad dun na parang jacuzzi.
Ang kaso, malamig ang tubig ng irrigation.
Hindi naman ako nasabihan beforelob, nagbahand na yun pala ang trip namin. Akala ko, maghahanap lang kami ng mga suso sa palayan o magbi-bird watching kagaya nung dati. Hindi ko alam bakit medyo malaswa na ang term na “bird-watching” ngayon. Teka, malaswa din ata ang “paghahanap ng suso”.
Ayun na nga, nakarating na kami sa aming destinasyon. Katabing katabi lang ng mga rumaragasang sasakyan sa SLEX ang irrigation base. Lumublob na kami at nagswimming. Hindi pala yun ganun kalaki.
Pero malinis ang tubig. Hindi gagamit ng maduming tubig ang irrigation dahil hindi masarap kumain ng maduming sinaing.
Naghilod, lumublob, nagbasaan, kwentuhan, tawanan, yan ang trip namin. Dito ko na rin sinubukan na imulat/idilat ang aking mga mata sa ilalim ng tubig. Hindi naman pala ganun kasakit sa mata. Mahapdi kapag sa swimming pool dahil sa chlorine pero para sa ganitong klase ng tubig, ayos lang.
Yun ang unang beses ng aking pagsisid na naka-dilat. Gusto ko, kapag sumisisid ako, nakikita ko ang aking sinisisid.
Bat parang malaswla ang Memory Miyerkules na ito?