Daily Archives: 2014-04-02

SUMMER SIREN , Why The Name?

Hindi nanggaling sa akin ang pangalan!

Noong Travel Factor year 7 party na ginanap sa B-Side, una kong narinig ang Summer Siren. Unang naisip ko, gustong sabayan ng mga bossing sa Travel Factor HQ ang palabas na Dyesebel at Kambal Sirena. Tunog mermaid kasi para sa akin ang Summer Siren.

Pero hindi pala yun ang totoong meaning.

summer siren

summer siren

This weekend na ang Summer Siren Festival. It is a 3-day party at the Crystal Beach Resort in San Narciso, Zambales. Nagpasulat na nga ang Ayos Dito sa mga bloggers para ma-hype ang event.

Kagabi, nag-orientation na kaming mga coordinators. Lalo akong na-excite sa mga nalaman ko. Get ready sa mga sasakay ng bus number 9 dahil may nakaabang na magandang something para sa inyo.

Nalaman ko na may DJ Tower na magpapatugtog simula 10am hanggang sunset. Nalaman ko na ang tugtugan sa concert grounds ay magsisimula ng 6pm hanggang 2:30am. Nalaman ko na maraming alak at mura lang siya. Nalaman ko na maraming activities.

Summer Siren, bakit nga ba yan ang pangalan?

Sa pagkaka-explain ni Tikoy Tan, eto ang hudyat ng Summer para sa atin. Ito ang ingay na maga-announce na start na ang summer season. Ito ang unang weekend ng Abril at kung hindi pa beach ready ang katawan mo e wala ka nang choice kundi rumampa sa dagat na may nakakabit na salbabida.

Summer Siren, nagpapaalala sa atin na ngayon ang panahon ng pagsasaya. Ngayon ang panahon ng pakikipagkita sa mga kaibigan, kaklase, kapamilya, at dalhin ang kwentuhan sa beach. Ito ang nagbibigay sa atin ng ideya na mas masarap makipagsagupaan sa mga alon ng dagat kesa sa pakikipagpatintero sa siyudad.

Gaya ng sirena ng bumbero, pulis, o ambulansya, kailangan nating isantabi ang mga sagabal sa buhay natin at ipagpatuloy ang buhay. Kailangan nating gumilid muna at hayaang ang malakas na tunog at makulay na ilaw ay mapagmasdan ng ating mga mata. Eto ang party.

Dahil hindi Beach Party ang isang Beach Party kung wala sa Beach ang Party.

****

Hindi ko tinanong si Papa Bear Cedric Valera tungkol dito. Lahat ng ito ay galing lang sa utak ko. Sana lang patawarin ako ng mga boss ko sa TF pag may mali akong nasabi.

Dear Ka Bert

Ka Bert,

Natatandaan mo yung susunduin mo ko sa bahay ng 2:30pm? Grade 2 ata ako noon. Nasa harap na kayo ng bahay namin at kagigising ko pa lang.

Pasensya na. Hindi ko naman kasi kasalanan na oras ng siesta ang ginawa nilang oras para sa pagpasok. Oo, maliit pa lang noon ang Dominican College Sta. Rosa at kailangan kaming isiksik sa gilid ng canteen, sa science lab, o sa clinic, para lang magklase pero hindi ata makatarungan na ilagay kami sa oras na wala sa hulog.

school service

school service

Pero naging pasensyoso ka. Antay dito, bitbit ng bag dyan. Maraming maraming salamat.

Nakakatuwa rin na pinapayagan mo akong umupo sa tabi mo pag pauwi na kami. Hindi ako sa passenger seat umuupo noon. Doon talaga ako sa bandang kaliwa mo. Sinisiksik ko ang sarili ko dahil mas mahangin sa lugar na yun, malayo sa mga kaklase at kaeskwela na tulo laway at gusot na ang mga damit. Mga amoy araw na sila.

Kumusta na ba ang kaklase ko na si Michael? May sarili na ba siyang pamilya? Ako kasi wala pa. Alam kong isa ka sa mga nag-aabang kung kailan ako ikakasal.

Patawad, hindi mo na inabot yun. Sumuko ka na kasi. Inatake ka kamakailan lang at nagtuluy-tuloy ka na pag-akyat sa langit kahapon. Sayang talaga at hindi na ako nakapagpasalamat sa iyo ng personal.

Ikaw pa naman ang balak kong pagmanehuhin pagdating ng araw ng kasal ko. Hayaan mo, gagayahin na lang kita sa ugali mo na pagiging maingat. Dahan dahan kong babagtasin ang buhay na ito. Iwas aksidente, enjoy sa bawat kabig ng manibela, at paminsan-minsan ay humihinto para lumanghap ng masarap na simoy ng hangin kapag may magandang tanawin.

Magsasakay ng mga pasahero at gagawin silang kaibigan. Ibababa ang mga hindi magagandang bagay sa buhay. Patuloy na titingin sa rear view mirror kung ang lahat ng importante sa akin ay kasabay ko pa sa biyahe. Yan ang mga natutunan ko sayo.

Maraming salamat sa oras. Ikumusta mo na lang ako sa mga lolo ko sa taas.

RIP Bert Pasia,

Pepi.
Pasahero mo noong bata.