Marysue and Pedro – GAME OVER

Game Over.

Yan ang status ko bago ako umattend ng kasal. Yan ang pinaniniwalaan ko pagdating sa kasalan. Tapos na ang maliligayang araw mo pag kinasal ka.

Pero nabago yun kagabi.

Kasalang Marysue at Pedro, ito ang unang kasalan na pinuntahan ko as a friend. Nakaka-attend lang naman ako ng kasalan kapag kamag-anak ko ang ikakasal. At wala pang kampeon ang nagpakasal. O baka hindi lang talaga ako naiimbita sa mga kasalan.

marysue and pedro

marysue and pedro

Subic, tatlo hanggang apat na oras ng pakikipagbonding ke Pilot. Ilang makukulit na traffic enforcer sa SBMA, tatlong tollgates, isang mainit na araw papunta at isang madilim na gabi pauwi; yan ang tinahak namin para maabot lang ang espesyal na araw para kay Pedro.

At syempre sa ngayong maybahay niya na si Marysue. Nun ko lang din siya nakita at nakilala. May kulit at aura na alam mong mapapa-sunod niya ang kakulitan ni Pedro. Good decision na hindi na siya pinakawalan ni Pedro.

#Nakakainggit. 

Yan naman ang gusto kong sabihin sa lahat ng tao na nakasalubong ko kagabi. Nakakainggit na yung partner in life ni Pedro ay nakilala na niya pala 12 years ago. Nakakainggit na yung asawa ni Marysue ay taong hindi nauubusan ng kulit sa katawan. Nakakainggit yung atensyon na binigay sa kanila sa araw na yun. Nakakainggit na kasal na sila.

Hindi ba kayo naiiinggit, lalo na sa mga friends ko na may mga jowa na? Alam ninyo, kapag nakita na ninyo ang The One, hindi na dapat pinatatagal yan. Put a ring on it! Wag kayong matakot sa kasal.

marysue and pedro buhat

marysue and pedro buhat

Mabalik tayo sa GAME OVER.

Nag-iba yung concept ko ng game over nang marinig ko ang mga vows na binitawan ni Pedro kahapon. Nang sabihin niya na, “I vow to protect you like everyone is against you, ” at yung “Ako ang number 1 na kakampi mo kahit na mali ka.” Grabe, ambigat nun.

Ganun kasi talaga dapat. Kapag handa ka nang maging mali para maging kakampi ang mahal mo, yun na yun!

Yung GAME OVER, hindi pala ibig sabihin nito ay tapos na ang laro. Hindi pala ito tungkol sa pagtatapos ng games sa Nintendo at kailangan nang harapin ang tunay na buhay. Hindi pala ito katapusan ng mga masasayang araw.

Ang GAME OVER pala ay hudyat ng pagkapanalo. Game Over din ang makikita mo kapag nailigtas mo na si Princess Toadstool mula kay Koopa. Game Over din ang makikita mo kapag ang tatlo hanggang apat na oras na ginugol mo sa paghahanap ng mushrooms at pag-apak sa mga paragoomba ay natapos na at naging matagumpay ka. Game Over din yun sa screen. Promise, natapos ko na ang Mario 1, 2, and 3 pati Mario Party 64.

Pedro at Marysue, Game Over na. Oras na para mag-celebrate dahil napagtagumpayan na ninyo ang mapaglarong tadhana. Oras na para i-appreciate ang trophy na kayo sa isa’t isa. Oras na para maging masaya.

Congratulations ulit. GAME OVER!

0 responses to “Marysue and Pedro – GAME OVER

  1. AY! Kawawa naman ung girl! HAHA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *