Sa Totoo Lang, Hindi Pa Ako Handa

Kilala mo ako, pag handa ako, madali lang para sa akin mag-go. Pero kapag hindi talaga, hindi talaga.

Mahirap mag-recover lalo na pag alam mong marami kang sinugal. Ang totoo, talo ako. Marami akong ipinusta. Marami akong ipinahiram, iniabot, at ibinigay. Akala ko kasi, sulit ang lahat.

Hindi pala.

Oo, marami akong nakuha. Marami akong natutunan. Marami akong karanasan na kung pwede lang ay ulit-ulitin. Pero sindami ng mga ito ang mga nasayang. Mga bagay na akala ko ay akin pero makukuha lang pala. Mga pinagpaguran na mananakaw lang din pala. Mga katas ng dugo at pawis na hanggang sa susunod na dalawang taon ay magiging dungis na hindi madaling hugasan.

Kaya pasensya na.

Pasensya na sa mga nag-eexpect, mga nangungulit, mga umaasa. Pasensya na dahil ang susunod na kabanata ay matatagalan pa bago mailathala. Pasensya na dahil sa mga mata ninyo, ang kampeon na kagaya ko ay nabibigo rin pala.

Pero hindi yan dyan nasusukat.

Ang pagiging kampeon ay nasusukat hindi sa pagkakadapa, bagkus sa ilang ulit kang makabangon. Yung hindi ka takot na umulit sa simula. Yung hindi ka takot sumugal dahil sa nakaraang karanasan ng pagkatalo. Yung hindi ka nagdadalawang isip na tumayo at lumakad ulit.

Ngayon, sisimulan ko ang unang hakbang. At ito ay pagpa-plano. Isang plano na susundin para sa mas maayos na pagtakbo. Isang plano na subok na at hindi papalpak. Isang plano na pag kokopyahin ng iba, ay bahala sila. Basta ako, sisiguraduhin ko na magiging maganda ang kinalabasan.

At kung hindi man, hindi ako takot madapa, umulit sa simula, at magmahal ulit.

Ok na nga pala ang right ankle sprain ko, pwede na tayong magsimula sa pagtakbo. At sa finish line, sana makita ko na nag-aantay ka.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *