Dear Mark Oyelle

Dear Mark Oyelle,

Naalala ko pa noon, taga taas ka. Tatawid pa ng putol na kalsada para makapunta sa inyo. Takot kami sa mga malalaking aso sa may itaas kaya napipilitan kang bumaba sa may amin para makipaglaro. Paborito pa natin noon yung pag-akyat ng bubong.

Lahat na ata ng larong bata, nagawa natin; nag-teks, basketbol, moro-moro, tumbang preso. Yung pag-akyat sa hachoo volcano, perfect mo pa non dahil ikaw ang pinakamabilis. Nakapaglaro din tayo ng sipa, taguan, mataya-taya, mangki-mangki. Pati yung modified na taguan na hango sa counter strike ay tinawag natin nag Bang-Shock.

Pati mga katarantaduhan na bot at swak, ginagawa natin sa isa’t isa. Walang hiya-hiya.

Nakapaglaro din tayo ng Mario, NBA Jam, at Battle City. Hindi lang tayo marunong maglaro sa kalsada, marunong din tayo mag laro ng computer.

Natapos lang yun nung nagsimula na tayong magseryoso sa pag-aaral. Alam ko, ikaw naging seryoso ka. Parati kang umaakyat sa stage kapag recognition day. Nakakatuwa dahil mga taga zone 7-8 ang parating umaakyat sa stage noon. Feeling ko, lahat ng katalinuhan, nasa kalsada natin.

Masipag ka mag-aral e. Nang magsimula kang magsuot ng salamin, mas lalo kang nagmukhang matalino.

Nag High School, College, hindi na tayo nakapaglaro ulit.

Nakita na lang kita one time noong nagtuturo ka na sa Lasalle. Kinainggitan kita noon. Gustung-gusto ko na rin kasi magturo pero hindi ko alam bat hindi ko pa sinisimulan. Gusto kong maka-impluwensya ng mga buhay ng mga estudyante. Gusto kong mag-transform ng lives, at alam kong ginawa mo na yun.

Pero bakit ba, ano bang nangyari? Pabalik-balik ka raw sa ospital. Yung sakit mo, nagpatung-patong na. Unfair siguro ang tadhana, kung sino pa ang mabait, ang matuwid, ang matalino, siya pa ang tinatanggal sa mundo.

Ngayon tuloy, naiisip ko, sino na ang papalit sayo? Wala na akong hihintayin na bumaba ulit sa may amin para makipaglaro, makipag-taguan, makipag-teks, at moro-moro.

Baka kailangan ko na mag-step up. Baka kailangan ko na gawin ang matagal ko nang gusto, ang bumalik sa klasrum at mag-share ng knowledge ko. Baka kailangan ko na gawin ang iniibig ng puso ko. Baka nga.

Salamat sa mga alaala. Pakinggan mo ang awit ko, nangungulila sayo. Mami-miss kita.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *