Flash News! Dalawang Panadero, Nagsasakan Ng Kutsilyo Sa Mandaluyong

#KwentongBarbero

“Kuya, iklian mo,” banggit ko sa suki kong tagagupit. After 3 months, andito na naman ako sa Lubiran, ang main road sa Bacood, Sta. Mesa. Matagal-tagal na rin akong hindi nakadalaw dito. Mas nababati na tuloy ang mahaba kong buhok sa opisina kesa sa kagwapuhan ko.

“Pataas ba? Kagaya nun dati?” sagot ni kuya Barbers.¬†Tatlo silang barbero sa barbershop na yun.

“Oo. Samahan mo na ng masahe.” Sabay upo sa pinakakumportableng upuan sa buong mundo.

tanaw ang Fatima Church mula sa barbershop

tanaw ang Fatima Church mula sa barbershop (photo by http://www.panoramio.com)

Dito ako nagpapagupit. Bukod sa sulit na gupit na singkwenta pesos, may libre pa akong mini-masahe. Pero hindi lang yun ang dahilan ng pagbalik ko dito.

Nakikinig din kasi ako sa mga kwento nila.

“Pre, galing akong Mandaluyong kanina.” Nagsimula nang magkwento ang barbero ko. “Patay yung dalawang panadero.”

“Talaga? Panadero?” sagot nung barbero habang hawak ang smartphone niya at nagb-browse ng Facebook. I wonder kung na-add na ako ng mga ito as a friend sa FB. Parang hindi pa.

Oo, nagsasakan sila. Nakita ko nga yung isa, tumakbo sa kalsada, sumisirit pa yung dugo.” Patuloy na kwento ng barbero ko.¬†“Nag-away sila sa babae lang.”

“Paano nangyari yun, wala namang kutsilyo sa panaderya?” pilosopong tanong nung pangatlong barbero.

“Nagsuntukan muna sila. Nag-inuman muna sila sa may P.Cruz. Pagdating ng hatinggabi, nagsusuntukan na raw.”

“O, tapos?” huminto na sa kaka Facebook yung isa. Lumingon na sa labas para ma-imagine yung mga kalsada ng Mandaluyong.

“Nahinto naman ang suntukan, pero inabutan na ng almusal. Nagpunta yung isa sa Rustan’s para bumili ng kutsilyo at tinuloy nila ang rambol. Ayun, nagsasaksakan na.”

“Sa babae lang?” hindi makapaniwala yung pangatlong barbero.

“Nagkalat yung dugo nun isa sa estante ng mga tinapay.” Hindi pinansin ng barbero ko yung tanong. Busy siya sa kakakwento. “Yung isa naman, nakatakbo pa, pero namatay din.”

“Walang rumesponde? Walang umawat?” Sa wakas, may makabuluhang tanong na rin.

“Mabilis lang naman ang rambol. Wala pang limang minuto, naaawat na.”

“Asan yung babae? Siguro ka-trabaho nila.” Balik sa tsismis na tanong, mas juicy kasi ang kwento pag may LOVE Angle.

“Sigurado, ka-trabaho nila yun.” Bidang-bida na naman ang barbero ko kasi siya ang may kwento.

Hindi na ako nakapagtimpi. Nagsalita na rin ako. May gusto akong sabihin e. Kanina pa. Hindi lang ako makasingit dahil sa kwentuhan nila.

“Kuya, putulin mo rin yung patilya. Baka makalimutan mo.”

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *