Daily Archives: 2020-03-06

Maraming Salamat sa Serbisyo, Teddy.

Pakilala ko lang sa inyo, malamang nabanggit ko na to sa blog ng ilang beses pero baka hindi pa.

Siya si Teddy. Hindi lahat ng Teddy ay bear. Si Teddy namin ay isang dog.

Cross siya ng shitzu at japanese spitz. Baby pa siya nung dumating sa amin. Regalo ng dating jowa ng pinsan ko nung sila pa. College pa lang si pinsan nun, so mga 8 years ago? Hindi ako sigurado sa timeline.

Nung naaalagaan pa siya ng mabuti, umaakyat yun at pumapasok sa kwarto ko pag gabi. Dun siya natutulog nang nakatapat sa electric fan. Amoy aso tuloy ang kwarto ko.

Nung naghiwalay si pinsan at yung college jowa niya, at lumipat na rin ng bahay, naiwan dito sa bahay si Teddy. Wala naman akong husay sa pag-aalaga ng aso kaya naitabi si Teddy sa likod bahay. Hinahatiran siya ng tira tirang pagkain dun araw-araw. Hindi na rin siya napapaliguan. Minsan, may mga bisita siyang pusa at daga na nakikipag-agawan sa pagkain niya.

Dumating nga ang Ondoy at hindi namin nailikas si Teddy. Buti na lang, hindi siya nakatali sa lugar niya at nakagawa siya ng paraan para makaakyat sa isa sa mga hidden aparador sa lugar niya. Teddy is a survivor.

Dala ng katandaan, nabulag na yung isang mata ni Teddy. Humina na ang tahol. Nakakakilala pa naman siya pero kailangan na namin siya i-surrender dahil hindi na namin siya maaalagaan. Naglilipat na kasi kami ng bahay at maliit na yung lilipatan namin.

Nagpunta kami ng dad ko sa Vitas para i-surrender si Teddy last Monday. Pinigilan ko ang sarili ko sa pag-iyak pero hindi ako nagtagumpay. Hindi kasi ako naging fair na amo para sa kanya. Hindi ako nagpaligo, minsan lang ako magpakain, hindi ko man lang naipasyal.

Sobrang nagso-sorry ako sa kanya. Sana, naging mas mahusay akong amo.

Sa susunod, kung may susunod pa, gagalingan ko mag-alaga ng aso. Tuturuan ko siya ng tatlong tricks; bark, beg, at play dead. Paliliguan ko at ipapasyal.

Maraming salamat Teddy. Maraming salamat sa serbisyo mo. Mami-miss ka namin.

Teddy , hanggang sa muli
Matikas pa rin si Teddy kahit papalayo na siya sa amin

Update: Dumaan sa bahay nung Wednesday ang mga taga Vitas para kunin yun si Teddy. Isang trailer sila kung magkahot. Nasa isandosenang aso din yung hinahakot nila nun araw na yun. May mga malalaking aso sa trailer nila, malalakas pa yung iba. Kaso, lahat nung aso, tahimik. Walang tumatahol. Parang alam nila na dadalhin na sila sa end of life care para sa mga hayop. At least, sa huling mga buhay nila, makikilala nila si Teddy. All dogs go to heaven.