Category Archives: Features

Animal Rankings according to KULIT.

Yung pinsan ng kaopisina ko, magdadalawang taon na in a few weeks. Ang latest na skill niya ay mag-mimic ng sounds ng hayop. Hindi ko sure kung nakarating na siya sa zoo o tinuturuan lang siya ng mga kapatid niya. Ang problema lang daw, masyadong matipid sumagot. “Aw” lang daw ang sabi ng dog, hindi “Aw aw”. “Ngiyaw” lang daw ang sabi ng cat, at hindi “meow meow”.

Napaisip tuloy ako.

San ba nakadepende ang mga tunog ng hayop? Paano sila mara-rank? Nasa haba ba ng nguso o sa dami ng paa?

Subukan natin i-describe ang mga hayop base sa kanilang mga tunog.

Animals playing music.

Pinakamagaling na salesman ang BAKA.
Sa haba ng kanilang MOOOOOO, magiging ka-kumpitensiya sila ng magbabalot. Malupit at malakas yun. Minsan, walang ibon sa palayan dahil naiingayan sila sa tunog ng baka. O baka naman hindi nila gusto bumili ng balot. At any rate, baka ang pinakamagaling magbenta. As a matter of fact, may chocolate drink na ang pangalan ay Moo.

Pinakamalambing ang PUSA.
Mga pussy talaga, mapapaakit ka. Kaya nga nahahalintulad ang tunog ng pusa sa iyak ng bata. Naging theatrical play / musical pa nga ang Cats dahil nakakaakit ang pag Meow ng mga pusa. Minsan, may kasama pang pagkiskis ng balahibo sa binti ang mga pusa kasabay ng pag-ngiyaw nila.

Pinakanakaaasar ang KAMBING.
Nang-aasar talaga sila. Parang sinsabi nila na, buti nga sayo, yan ang napala mo, malandi ka kasi. O kaya naman, pinaparating nila sayo na – korni ang joke mo at wala kang kwentang blogger. Meeeeh. Mediocre ka lang. There is nothing special about you. Sabayan pa ng curly eyelash at mahabang balbas, nakakaasar talagang tunay ang mga kambing.

Mayabang ang MANOK.
Hindi ka makakarinig ng tilaok na mahina. Parati yang malakas, pasigaw, at nanggigising sa madaling araw. “Tiktilaok!”

Makulit ang ASO.
Hindi ka makakarinig ng aso na kung tumahol ay isa lang. “Aw” ay kadalasang may kasunod na “Grrrr”, bago ang kasunod na “Aw, aw!” Parati pang nakatapat sa tinatahulang nila ang nguso nila. Hindi sila tumatahol na nakatagilid ang mukha sayo. May kasamang eye contact at amuy-amoy ang lahat ng “Aw aw” ng mga aso.

Pinakamakulit ang IBON.
Kung nakukulitan ka na sa “Aw aw”, mas makukulitan ka sa “Twit twit twit twit”. Kasabay ng hampas ng pakpak nila ang pagbigkas nila ng twit twit. Hindi ka makakarinig ng isang twit. Parati yang may multiplier at exponential. I dare you, bilangin ang twit twit ng ibong pipit.

Ayaw ng AHAS ng maingay.
Sabi niya.. “Ssssssss.”

Lyrics ng Hayop na Combo by Yoyoy Villame.

Yan, may listahan na ako. Ituturo ko na to ke Sydney. Abangan niyo kami sa tiktok.

Babay.

Sana Mawala Na To. Ansakit Sakit Na.

Nasa panlimang araw na ang sore throat ko. Ansakit lumunok, di ako makakain, makahinga ng maayos. Pati paghikab, problema. Kulang na lang – mahirapan ako huminga, deds na ko.

Nag try na ako uminom ng tubig. As in uminom ng tubig ng malala. Kaliwa’t kanan ang paghawak sa pitsel at baso. Nakaka tatlong 1.5 liters ako sa buong maghapon. Pabalik balik na nga ako sa banyo namin. Ang ending, masakit pa rin lalamunan ko.

Siguro, nakuha ko ito sa mga paputok noong bagong taon.
Ay hindi, wala nga pala kaming paputok.
Baka naman sa paisa-isang yosi simula nung Company party namin. Nanghihingi kasi ako ng yosi sa mga kakilala. E napadalas ang aya nila sa akin. Ayun, sunog ang baga. Kahit hindi ako naka isang pack ng yosi sa buong Christmas break, hindi na siguro sanay ang trachea ko.

Pwede rin dahil ang hilig ko sa maanghang.
O baka naman sa mani at shingaling.
Pwede rin dahil malamig ang panahon. Kaso lang, hindi naman ako sinisipon at inuubo. Hindi nga nakakabuo ng plema yung lalamunan ko. Mas masakit tuloy dahil walang pampadulas.

Baka naman dahil sa polusyon ng Manila.
Pwede rin dahil natutulog ako sa biyahe nang nakabuka ang bibig.
O siguro, dahil hindi ako naghuhugas ng pinagkainan ko. Nagagamit ko tuloy yung mga baso at kubyertos na dapat hinugasan ko nung umaga, pero dahil walang tubig, e pinunasan na lang ng tissue at ni-reuse ulit.

Bad trip na sore throat ito.

Napa-search tuloy ako online. Bawal daw maanghang, mga biskwit, chocolates. Ideal daw ang mga warm na inumin. Pwede din daw mag ice drop para lumamig ang ngala-ngala. May blogger na nagsulat tungkol sa Lola Remedios at Tolak Angin. Napabili tuloy ako, at nalaman ko na mas mahal ng dalawampiso ang ine-endorse ni Kris Aquino.

Sore Throat Starter Pack
Mas Mahal ang Tolak Angin (12pesos) kesa sa Lola Remedios (10pesos).
Lozenges
Tolak Angin (Tulak Hangin / Push Air)
Lola Remedios. hindi ko sure kung tsismosa siya.

Nakakatatlong pack na ako ng strepsils at Woods. Nakaka apat ako na Tolak Angin at Lola Remedios. Nakaka tatlong 1.5 liters na ako ng tubig. Nasabi ko na yun kanina, inulit ko lang.

Sana mawala na tong sore throat na to. Ansakit sakit na.

Mga Mahirap Simulan Sa Pagpasok ng 2020

Happy New Year mga lodi.

Sa pagpasok ng taon, napansin ko na may mga mas mahirap gawin ngayong taon kumapra sa mga nauna. Feeling ko, iba ang taon na ito. Parang iba ang pagpasok ng taon. Dahil ba simula ito ng bagong dekada? Dahil ba mas malinaw ang 2020 kumpara sa ibang year na hindi inuulit? Dahil ba ke yorme na mahilig sa etnebetneb? O baka naman dahil matanda na lang talaga ako.

Enumerate ko lang dito yung mga napansin ko. Kung mali ako, comment niyo na lang. Kung tumama ako kahit isa lang sa listahan, share the article sa kaklase niyo. Malay ninyo, yung crush niyo sa FB, isa ring KAMPEON.

1) Mas mahirap na magpaputok. Oo, wala na halos nagpapaputok sa kalsada. Dati rati, nakakabili pa ko ng watusi at nagisindi ng kandila para hindi mo na ikaskas sahig para lang magsimula ang watusi sa pagputok. Dati, may mahaba pa akong patpat na may katol sa dulo. Yun ang ginagamit kong pansindi ng nakalatag na five star sa kalsada. Ako pa dati ang nagsisindi ng nakasabit na Sinturon ni Hudas sa gate namin gamit ang lusis. Ngayon, wala nang paputok.

Feeling ko, wala lang talaga kami budget pambili ng paputok sa Marilao.

Family Pose. Walang kinalaman sa article. Need ko lang ng picture.

2) Mas mahirap na magpapapayat. Andaming tirang pagkain nung Christmas at New Year. Yung handa nung Media Noche Buena, may pa round 2 pa. Ang hirap isnabin ng lechompaksiw, Malamig na ispageti, at naka-compartment sa freezer na Fruit Salad. Yun ngang mansanas sa bibig ng lechon nung Pasko, hindi pa rin namin nakakain. Sana, chichirya na lang silang lahat para mas madaling maubos.

O baka naman mas bumagal na ang metabolism ko. Trenta’y kwatro na ako ngayong taon. Nakatataba na raw ang eat all you can.

3) Mas mahirap na mag-ipon. Sa akin lang siguro to. Dati kasi – sa akin lang ang sweldo ko. Ngayon, may sanggol na na namimigay ng anim na piso sa batang bumibisita sa bahay – kahit hindi naman nangangaroling. Ugali ni Sydneysanggol mangharang ng bata sa kalsada at mag-abot ng barya, kahit hindi kumakanta ng jinggambels.

Solusyon – hayaan na lang si Soprano One ang mag-budget. Magpokus na lang sa pagkita ng pera.

4) Mas mahirap magsulat ng Petsa. Eto – taun-taon tong problema. Mapapasulat ka ng 2019, pero hindi 2020 na. At para daw hindi malito yung mga batang 60s, 70s, at 80s; dapat mong kumpletuhin yung taon. Nakaharap pa kasi ng mga lolo at lola natin ang ibang mga akda noong 1920 at baka malito sila dahil wala pang digital age noong panahon ni Manuel L Quezon.

Kumuha ka ng resibo at magpractice ka na magsulat ng twentytwenty.

5) Mas mahirap na manloko ng tao. Ito ang dekada na magsisimula nang pumasok sa working force ang Zillenials. Sila yung mga nabuhay na umaasa gadget. Alam nila ang pasikot-sikot ng mga scams at phishing sites. Hindi mo na sila mabubudol. Ang kaso, hindi sila marunong maglaro ng yoyo at tumbang preso. Wala kang makakalaro ng chess ngayon. Mas trip na nila ang minecraft kesa sa building blocks.

O baka naman dahil nakatira lang ako sa siyudad. Uso pa rin siguro ang mga tau-tauhan sa probinsya. Yuck, geocolonialism.

Ayan. Mahaba na ito. Bahala na kayo kung mag-agree kayo. May share button ako somewhere dyan. Pakipindot na lang.

Patawad Po.

Simula nang ma-install yung water dispensing machine sa tapat ng bahay namin, madalang na ang kumakataok sa bahay namin para mangaroling. Nakakahiya na kasi kumanta ng jinggambels habang may nag-iigib ng tubig. Kadalasan din naman, ang kinakarolingan e yung nag-iigib, at hindi na kami na nakatira sa bahay.

Dahil dito, kaunti na lang ang mga bata na hiningian ko ng tawad. Kaunti na rin yung sinasabihan ng nanay ko na “Bumalik na lang kayo sa Pasko” kahit na alam niya na wala kami sa bahay namin pag Pasko.

Kawawang mga bata, babalik sila sa bahay para sa wala.

Nakakatuwang isipin – habang papalapit ang Bagong Taon, parami nang parami ang mga hinihingian natin ng tawad. Para nga naman maluwag ang loob natin pagpasok ng year of the Metal Rat. mas madaling makausad pag walang bitbit sa balikat. Mas mabilis ang takbo pag walang kang kinakaladkad. Mas malayo ang mararating pag tipid sa gas. Mas maputi ang damit pag nilabhan sa Tide.

Metal Rat

Metal Rat

Kaya bago matapos ang taon, gusto ko humingi ng patawad sa ilang mga importanteng tao sa buhay ko;

Continue reading