Category Archives: Memory Miyerkules S3

Memory Miyerkules. Throwback season 3.

Memory Miyerkules Takas

Isang boring na klase sa business administration ang napasukan ko. Ang upuan ko, pangalawa sa dulo malapit sa pinto. Sobrang boring magturo ng propesor. Nakaupo lang siya sa harapan at tuluy-tuloy ang pagi-ingles gamit ang mga salita na siya lang at mga scholars ang nakakaintindi. 

Basta hindi ko maintindihan. Business models ata ang trip niyang pag-usapan. Kung nauso ang Flappy Bird noon, naka-300 na siguro ako.

Kaya naman matapos mag check ng attendance ng propesor, pipilitin ko na makinig sa loob ng dalawang oras sa mga boses niya na hindi pwede sa radyo. Walang tono, walang intonation, walang tempo, wala lahat. Mag-uuwian ang mga tao pag lumaban siya sa Fliptop.

Pagka-kalahati na ng klase, ti-tyempo na ang katabi ko. Tatayo siya at magbabanyo, pero after 30 minutes pa siya babalik. Minsan, hindi na bumabalik. Nakaka-inggit ang ginagawa niya dahil kaya niyang tumakas sa ganoong mga klase ng pagkakabilanggo.

Isang araw, sinubukan ko rin ang ginagawa niya. Walang tanung-tanong, tumayo ako at naglakad sa labas na parang wala lang. Plano ko talagang mag-CR lang pero napadaan ako sa canteen, nakakita ako ng Mongolian at napa-order ng isang set. Kumain ako.

Nung kuhaan na ng grades, kulang ako ng isang quiz.

Memory Miyerkules: Matigas na Higaan

Kelan ka huling nagwiwi sa kama?

Ako, by default, 2 times a year ako kung magwiwi sa kama. Na-break lang siguro last year dahil isang beses lang. Kapag nangyayari yun, tinatanggal ko ang sapin at ang kutson at ibinibilad ko sila sa bubong.

At dahil kulang pa ang tulog ko, natutulog ako na walang kutson, hence, matigas na higaan.

Ang pinakanaalala ko ay ang panaginip ko kapag napapawiwi ako sa kama. Usually, may scenario sa panaginip ko that involves water. Minsan, tubero ako na nag-aayos ng gripo sa banyo namin. Masisira ang gripo at mababasa ako. Magigising na lang ako na basa na nga ako.

Meron naman scenario sa panaginip ko na sinusubukan ko ang mga toilet seats sa isang mall. Umuupo ako, tine-test ko ang height at circumference ng mga toilet. At nagwiwiwi ako sa bawat isa sa kanila. Alam mo yung feeling mo ang panaginip ay totoo? Dalawang beses sa isang taon, ganoon ang feeling ko. Sa parehong pagkakataon, nagwiwiwi ako sa kama.

27 years old na po ako. This is a confession.

Memory Miyerkules – First College Summer

Nag-college ako sa DLSU-Manila. Interdisciplinary Business Studies. Walang major. Bahala ka sa path na kukunin mo, basta matuto ka, ayos na.

Pagkatapos ng first year ko sa college (salamat naman at wala akong binagsak na subject), minabuti ko na maghanap ng part time na trabaho. Yung tipong kikita ako ng pera ko. Yung masasabi ko na akin. Gusto ko kasing lumalabas ng bahay paminsan-minsan. Dahil na rin walang allowance kapag summer, sariling sikap ang gagawin mo.

Buti at naghahanap ng Account Consultant ang De La Salle Alumni Association. Ang primary na trabaho, iangat ang telepono at tumawag sa mga establishments in and out of Metro Manila para makipag-partner sa Alumni Card ng DLSAA. Kapag may alumni card ang mga customer nila, bibigyan nila ng discount or special deals.

Ang kapalit, makakasali sila sa catalog ng DLSAA na nakukuha ng mga miyembro. Alam mo naman ang connections ng DLSAA, talagang malawak..

Kumikita ako ng pinakamalaki noon na 5,500 in 2 weeks. Sapat na para makaipon at may maipanggastos sa araw-araw. Doon ako unang nakabili ng sarili kong celphone. Bagay na inaasam-asam ko simula pa noong second year high school ako.

Simple lang naman din kasi ang formula para makapag-explore ka ng mga bagay na di mo akalain na kaya mo. Ang unang step dito ay ang PAGBITAW. Oo, kailangan mong bumitiw sa kung anuman yang pinagkakaabalahan mo. Kailangang magbigay ka ng oras.

Kung kailangang makipagbreak ka sa syota mong ubos-oras, gawin mo!
Kung kailangang mag drop out ka sa school, why not?
Kung kailangang magresign ka sa trabaho, do it now!

Gawin mo! Wag ka nang matakot sumugal, dahil walang nananalo sa Lotto na hindi tumataya.

Memory Miyerkules: New Year sa Palaisdaan

Minana ng tatay ko ang palaisdaan ng angkan niya ng isang taon. Nag early retirement kasi siya mula sa stressful na trabaho sa Laguna at minabuti na kunin ang responsibilidad ng pagpapatakbo ng palaisdaan sa Bulacan.

Noong panahon na iyo, doon niya kami dinala ng Bagong Taon.

fireworks

fireworks

Kilala ang Bulacan, specifically ang Bocaue, dahil sa kanilang mga paputok. Isa lang naman ang sikreto ng malupit na paputok; consistency. Yan ang panlaban ng mga paputok sa Bocaue kaya hindi lang sa dinarayo ito, kundi na rin panlaban pa sa international fireworks competition. Hindi rin maikakaila na sila ang supplier ng fireworks sa Enchanted Kingdom sa matagal na panahon.

Eto na nga, andun na kami sa palaisdaan, pero wala kaming dala na paputok. Nakakalason yun sa mga bangus at tilapia.

Kaya habang nakatambay sa folding bed, tanaw namin ang skyline ng Bulacan. Habang nakahilata at walang bubong kundi kalangitan, naririnig namin ang pagsabog na may delay na 2-3 seconds galing sa lahat ng anggulo ng lugar. Para kaming mga German soldiers na napapaligiran na ng Allied Factions noong World War.

Hindi man yon ang pinakamagarbong New Year para sa akin, yun pa rin ang pinaka-memorable. Yun ang New Year na wala kaming kuryente, wala kaming bisita, wala kaming maraming handa, pero kumpleto ang aming pamilya.