Tag Archives: bibo

I Pledge To Speak Up This 2012

Uunahin ko na to. Bago ako mag-bigay ng review ng 2011, bibigyan ko muna ng pansin kung ano ang plano ko sa susunod na taon. Magiging mas maingay ako.

Hindi lang sa blog kundi sa araw-araw na buhay.

Kapag may gusto ako, sasabihin ko. Pag may naisip ako na idea, ishi-share ko kaagad. Kapag may suggestion ako, magsi-send kaagad ako ng memo sa nakakataas para malaman nila na may maganda akong naisip. Magiging mas bibo ako.

Kung naging ganito lang ang aking attitude this 2011, nakumpleto ko siguro ang aking TO DO LIST. Sa totoo lang, ayoko balikan ang TO DO LIST 2011 ko dahil sure ako, wala pa sa 1/4 ang na-accomplish ko.

Actually, ganito na ang ginagawa ng karamihan sa atin. Kapag may nangyari, report kaagad sa Twitter o sa Facebook. Nauuna ko pa nga malaman sa Twitter na lumindol kesa mag-announce ang Phivolcs at Pagasa. Yung traffic nga sa EDSA, sa Twitter account ng MMDA ako umaasa at hindi sa TV o radio. Mabilis ang tsismis lalo na kung Pinoy ka.

Mali ba ang Speak Up?

Kadalasan sa mali natin nagagamit ang kakayahan ng teknolohiya na ito. Marami tayong pinapahiya na tao at nasisirang pangalan dahil mas mabilis pa kumalat ang kasinungalingan kesa sa katotohanan.

Isang example na tong si Chris Lao. Nasira kaagad ang pangalan niya dahil kung anu-anong masasamang salita na lang ang binigay natin nang makita natin ang video niya. Hindi natin inintindi ang sitwasyon niya. Mainit nga lang siguro ang ulo ng tao.

Meron pa, si Atty. Midas Marquez, nasabihan kagad na bading dahil sa reaksyon niya nun nahulog ang mikropono. Wala pang isang segundo ang reaksyon niya na yun pero hindi na inintindi ng tao ang tunay na issue at pinagkatuwaan na lang ang reaksyon niya.

Eto pa ang malupit. Sure ako na marami sa atin ang Pro-RH Bill at gustung gusto na itong maipasa. Kaso nga lang, hindi tayo nagri-react dahil ayaw natin kalabanin ang simbahan. Takot din ata ako sa excommunication. Kung ako ang tatanungin, ok sa akin ang RH Bill. Ang kaalaman ay dapat ipinamamahagi. Kung mas marunong ang tao, mas uunlad ito.

pass the RH Bill

Sa totoo lang, ngayon lang ako nagsabi sa blog ko na Pro-RH Bill ako.

Ano ba ang ginawa ko nung 2011?

WALA. Wala akong ginawa sa buong taon na 2011. Kapag may issue, hindi ko pinakikialaman. Kahit na sure ako na malakas ang traffic nito sa website ko, hindi ko pa rin sinusulat.

Siguro dahil manhid ako; apathetic, sabi nga nila. Wala akong pakialam sa lipunan lalo na kapag hindi ako nasasagasaan. Kapag hindi ako directly na maaapektuhan, pinababayaan ko na lang ang iba na. Hindi ako nagkukusa.

Mas malala pa pala yun kesa sa sumang-ayon ka sa mali.

Mas masama na hindi ka kumuha ng side. Hindi maganda kung mananatili ka na neutral sa mga usapin. Kung hindi ka pa decided, mas maigi na aralan mo ng mabuti ang issue para makapagbigay ka kaagad ng opinyon mo sa lalong madaling panahon. Hindi ka dapat takot sa kritisismo. Ini-encourage mo dapat ang mga batikos para maituwid ang mga mali mong paniniwala.

Ang misyon sa 2012

Simple lang ang misyon sa 2012.  I need to speak up about what I have in mind. Hindi dapat kinikimkim ang impormasyon at karunungan. Hindi yan habambuhay sa utak. Hindi yan magiging totoo pag ikaw lang ang nakakaalam at naniniwala. Kaya lang naman naging Gospel ang buhay ni Hesus dahil apat ang nagsulat tungkol dito.

Dapat lang mas maging Bibo pa ako; Magkusa, Makialam, Makipagbalitaktakan.

Kaya itataas ko ang kamao ko para sa 2012.

Speak Up this 2012

I dare You To Speak Up this 2012