Hindi ko alam kung bakit binilhan ako ng pana ng nanay ko. Ang napapanuod ko kasi, si Yellow Mask ang may gamit ng pana sa Mask Man na palabas sa channel 13. Hindi naman ako babae.
Pero kahit ganun pa rin ang reference, pinaglaruan ko na rin ang bigay niya. Hindi naman kami pinalaki ng mga magulang namin para umangal ng umangal. Kung ano ang nakahain, yun ang kakainin. Kung ano meron, yun ang gagamitin. Kung ano ang ibinigay, yun ang tatanggapin.
Palpak din naman ako sa pag-gamit ng pana. Hindi pala ganun kadali yun. Kailangan, marunong ka bumalanse at magaling kang mag-stretch ng lubid. Dapat rin, sakto ang puwitan ng pana sa lubid para pag-release mo, tatalsik ng maayos ang arrow.
Palaso ang Tagalog term ng arrow.
Swank ang gamit namin na arrow, hindi pointed. Hindi na laruan yun pag matulis ang dulo ng pana. Never ko pang napadikit sa dingding ang swank gamit ang pana. Wala pa rin akong nakita na nakagawa nun.
Ngayong malaki na ako, alam ko na swank ang dulo nun para hindi ganun kasakit pag tinamaan ka. Para hindi magtampo sa iyo ang mga laruan mo na robot kapag sila naman ang target mo.
Para mapadali, binabaliktad ko ang pana. Mas madali gamitin ang arrows kapag swank ang gamit mo dahil mas madali yun hawakan. Mas maayos din ang lipad dahil mas pointed ang puwitan at less ang air resistance. Wag ka nang kumontra dahil experience ko to. Gumawa ka ng sariling Memory Miyerkules mo.
Anyway, so ayun nga; kinalaunan, natutunan ko na rin siya laruin. Andami nang gasgas ng mga robot ko dahil parati ko silang nasasapul. Kaya siguro nagtampo sila at ayaw na umilaw pag ino-on ko.
Kung may kapatid lang ako na babae, gasgas na siguro ang mga mukha ng Barbie Doll niya.