Tag Archives: holdup

Bigay mo, Babarilin kita

November 13, 2010. Saturday. 5am

“Bigay mo. Babarilin kita.” Mas malinaw na ang sinasabi niya ngayon. Holdap ang pakay niya. Siya lang ang lalapit. Sisiguraduhin ng mga kasama niya na wala nang tutulong at magpapakabayani.

Hindi sumagi sa isip ko na basta na lang ibigay ang gusto nila. Hindi ako makakapayag na magtagumpay ang mga kumag na ito. Kahit na lamang sila ng kaunti, hindi ako papayag na maisagawa nila ng maayos ang kanilang binabalak.

Napasigaw na ako ng malakas. Panic mode na to.

Sinabayan ko ang pagsigaw ng pagtakbo ko. Zigzag dapat. May baril kasi siya. At kung may haharang sa akin na kakampi niya, bibigyan ko ng ankle-breaking crossover move.

Natabig ko ata ang baril niya. Hindi ko alam.

All the while, sumisigaw pa rin ako.

May nakita akong isang sasakyan na nakaparada sa bangketa. Ito ang ruta na magliligtas sa akin. Thank you Lord. I need 7 steps to take cover.

Pag bunny hop ko papunta sa makipot na daan between the vehicle and the gate, may napansin akong tumama sa akin galing sa likod, nakaka 6 steps pa lang ako.

Makirot ang tinamaan. Parang may sumuntok din sa mga lamanloob ko.

Isa lang ang sigurado ako, tunay ang baril niya. Tinamaan niya ako sa may bandang spinal column. Pumasok mula sa kanang bahagi ang bala at nagbigay ng biglaang pressure sa aking internal organs sa bandang kaliwa.

Pero hindi ako sigurado kung kakayanin ko pa. Pag napuruhan ang spine ko, tutumba ako sa kasunod na landing step ng aking bunny hop.

Pinakiramdaman ko ang katawan ko. Hindi ako tumumba. Buhay pa tayo.

Tinuloy ko ang pagtakbo. Tinaasan ko pa ng isang octave ang aking pagsigaw.”TULONG”. Apat sila; kailangan ko ng kakampi.

Swerte naman at may tanod sa outpost. Bumaba siya sa kanyang station. Sumi-silbato siya ng malakas. Mas malakas ng kaunti kumpara sa sigaw ko.

Hindi niya ako tinulungan.

Hinawakan ko ang makirot na parte na tinamaan ng bala. Double check ko lang kung may sugat. Naramdaman ko ang lapot ng aking dugo. Humiga na ako sa gitna ng kalsada. Pinagpatuloy ko pa ang pagsigaw. Natatalo ako ng silbato.

Hinihipan pa rin ng tanod ang kanyang whistle. Hinarap niya kung saan ang mga holdaper. Nang nilingon ko kung saan siya nagpunta, wala nang mga kalaban. Pero may mga usisero sa kabilang kanto.

Binalikan ako ng tanod.

Kasabay nito ang paglapit ng mga kapitbahay. “Ano nangyari?” “Bat ka nakahiga?” “Sino ka ba?”

Sinagot ko lahat ng tanong nila sa isang sentence lang.

“Naholdap ako, binaril ako, may tama ako sa likod, tumawag kayo sa bahay, dalhin niyo ako sa ospital, apo ako ni Judge De Leon.”

Nahihilo na ako ng mga panahon na yon. Ayoko mag blackout tulad ng una kong disgrasya.

Maraming nakapaligid sa akin. Walang nagtangkang itayo ako o hawakan ang alinmang parte ng katawan ko. Please naman tumulong kayo. Teka, gising na ba kayo? Alas singko pa lang pala ng umaga. Sorry sa abala.

Pero ano ito? White light? Papalapit sa akin? Mamamatay na ba ako?

Tapusin na natin to..
3rd of 4
Ito ang kwento nang maholdap ako noong November 13, 2010.
Isinasalaysay ko lang kung ano ang aking naaalala.

Part 1 : Bad Feeling
Part 2: Harang
Part 3: Bigay Mo, Babarilin Kita
Part 4: Safe

Harang

November 13, 2010. Saturday. 4am

Ugali ko ang umuwi kaagad pagkatapos ng trabaho. Ngayong single ako, wala akong dahilan para mag lamierda. May kasabay naman ako lumabas ng opisina kapag 4am.

Wala nga pala akong sasakyan. Kailangan ko mag commute. Ang ruta na dalawang sakay ang tatahakin ko. Isang bus papuntang Boni. Isang jeep papunta sa kanto ng 3rd St. Sapat na ang bente pesos para dun.

Matapos makipagkwentuhan ng kaunti sa mga kasama sa opisina, bumaba na ako. Nagsuot ng earphones at nilagay sa Love Radio ang FM station. Nilakasan ko pa ng kaunti para hindi ako makatulog sa biyahe.

Pagbaba ko ng bus sa may Boni. Naisip ko na mag withdraw muna. Sweldo kasi namin nun. Baka kasi kailangan na ng panggastos sa bahay. Mabuti na ang may pera na maiabot kesa matagalan pa. Ganun din naman ang resulta, babayaran din naman ang ilaw, tubig, etc. etc. etc.

Naglakad ako hanggang sa sakayan ng jeep. Sumakay ako sa nag-aantay na biyaheng Boni-StopNShop. Kahit hindi puno ang jeep, lalarga si manong. Aabutin pa ng kalahating oras pag iintayin pa namin mapuno ang jeep. Baka antukin kami lalo.

Mabilis magpatakbo ang driver. Hindi ko alam kung natatae lang siya o ganun talaga siya magpatakbo.

Matapos ang halos dalawampung minuto ng paglalakbay, pumara ako sa kanto ng 3rd st. Bumaba at nakipagpatintero sa mga truck na dumaraan. Hinawakan ko ng mabuti ang mga gamit ko dahil baka liparin ng kung anong masamang ihip ng hangin. Naglakad na ako pababa ng 3rd st. Tatlong kanto na lang, bahay na namin.

Pag kaliwa ko sa dulo ng 3rd st. Napansin ko ang mga nakaparada na sasakyan. May tao din sa Outpost sa kanto. Medyo madilim pa ang paligid kahit 5am na.

Hindi pa ako nakakalayo sa 3rd st. May motor na bumagal sa tabi ko. Dalawa silang nakasakay. Hinayaan ko lang.

May kasunod silang motor. Dalawa rin ang nakasakay. Huminto ito sa may bandang 2 o’clock ko. Bumaba ang backride. Napahinto ako ng lakad.

Kinawayan ako nung bumaba. Nagsasalita siya. Hindi ko naiintindihan dahil naka earphones ako. Pilit kong binabasa ang bukambibig niya. Hindi siya naka helmet.

Wala pang tatlong segundo,  nakapaglabas siya ng baril galing sa may bandang harapan ng shorts niya. Naitutok niya iyon sa leeg ko. Naging klaro lang ang sinasabi niya dahil malapit na siya at natanggal ko na rin ang earphones ko.

“Bigay mo. Babarilin kita.”

itutuloy pa ulit…
2nd of 4
 
Ito ang kwento nang maholdap ako noong November 13, 2010.
Isinasalaysay ko lang kung ano ang aking naaalala.

Part 1 : Bad Feeling
Part 2: Harang
Part 3: Bigay Mo, Babarilin Kita
Part 4: Safe

Bad Feeling

November 12, 2010, Friday.

7pm ng gabi ang pasok ko. Dapat gising na ako 2 hours before para mag ayos. Kaso, tinanghali ako ng gising; 5.38pm na nang magising ako. Para mabawi ang nasayang na oras, bumangon kagad ako at nagmadaling maligo.

Hindi na ako nagbasa ng buhok. Although alam kong aatekihin ako ng problema ko sa ulo na kung tawagin e dandruff, minabuti ko parin na mag half bath na lang. Makakapagshampoo pa naman ako bukas e. Hindi na rin ako nakapag Cream Silk conditioner. Buhos, sabon sa katawan, banlaw – ayos na yun.

Within 21 minutes, nakabihis na ako.

Gugutumin ako neto sa trabaho. Kahit may possibility na ma-late ako sa trabaho, kumain pa rin ako ng 5-minute Breakfast pag patak ng alas sais ng gabi. Baliktad talaga ang mundo sa call center.

Coding ang sasakyan kapag Friday. Hindi ko pwedeng dalhin dahil hanggang 7pm pa coding. Kailangan kong mag-commute. It has been 2 weeks since last akong sumakay ng Jeep. This feels very different.

Apat na salin sa jeepney ang sasakyan ko. Hindi ko pa naman alam ang traffic ng ruta ng bawat jeep sa oras na yun. Dalawang beses ata akong sumabit sa jeep na puno na ng pasahero. Alam ko mali-late ako pero it is worth a try.

Pagbaba ko sa kanto ng Urban Drive, kailangan ko pang maglakad ng almost 130 meters para makarating sa office namin. Tinignan ko ang oras sa cellphone kong Nokia c3. 6 minutes before 7pm. Mali-late ako kung maglalakad lang ako.

Runner ako, ano pa ba ang gagawin ko kundi tumakbo.

Within 2 minutes, na-cover ko ang distance. Within 3 minutes, nakapagpacheck ako ng bag sa guard at nakasakay sa elevator. Within the next minute, nakarating ako sa station ko para mag login. This feels really strange, hindi ako na-late kahit ang computation ko sa utak ko e mali-late ako.

Tuloy lang ang trabaho. Ubusin ang inquiries ng customer. Yan ang trabaho ko ngayong backoffice agent na ako.

Ugali din namin sa team magkwentuhan ng kaunti sa floor kapag nauubos namin ang trabaho. Nakakatuwa naman kasi ang mga kasama ko dahil may kanya-kanya kaming problema na gustong i-share. Basta ako, ang pinakanatatandaan kong problema ko, kung paano ko gagamitin ang mga natitira kong leave sa work. Wala nang leave allocation para sa akin. Patapos na rin ang taon at baka hindi ko pa magamit ang paid leave ko.

Wala naman akong planong magkasakit. Pero iba pala ang plano ng Nakatataas para sakin.

itutuloy…
1st of 4
Ito ang kwento nang maholdap ako noong November 13, 2010.
Isinasalaysay ko lang kung ano ang aking naaalala.

Part 1 : Bad Feeling
Part 2: Harang
Part 3: Bigay Mo, Babarilin Kita
Part 4: Safe

Out of danger

Kakadischarge ko pa lang sa ospital. 3pm kami nakalabas ng Lourdes. Andito na ako ngayon sa bahay para magpahinga. Namiss ko na ang computer e.

Sa mga hindi po nakakaalam, eto po ang nangyari sakin.

Saka ko na iku-kwento. Basta ang importante, buhay ako.

Salamat sa mga parents ko, sa mga kapatid, kamag-anak, kapitbahay, kaibigan na nagbibigay ng lakas ng loob. Naging mas madali ito dahil andyan kayo.

Salamat sa nagdala sa akin sa ospital at umasikaso sa akin sa ER.

Salamat dun sa mga umasikaso sa akin sa ospital mismo; mga nars, doktor, staff, guard, pati mga madre.

Salamat nga pala sa lahat ng nagdasal, dumalaw, nagpadala ng greetings, nagcomment sa facebook, nag-like sa fanpage ko at mga nagdala ng pagkain sa ospital. Natutuwa naman ako at marami pa rin talagang nagmamahal sa akin.

Salamat din sa Letgosago.net, Iamkcat.blogspot.com at tiarara.com

Hindi pa gawa ang bala na makapagpapahinto ng pagtibok nito.

Higit sa lahat, salamat sa Poong Maykapal at biniyayaan ako ng 1UP.