Pano ba yan nanay, mukhang hanggang dito na lang. Pagpapalit ng pangulo na lang pala ang inantay mo. Hanggang sa huli, tanging kapakanan naming mga apo mo ang iniisip mo. Di bale, pag pumalpak ang kasalukuyang pangulo, andyan ka na sa langit para kausapin ang nanay at tatay niya.
Naalala ko pa noon dati. Pag paalis ako ng bahay papasok ng eskwela. Isang oras na biyahe. Dadaan muna ako sa kwarto ninyo at magpapaalam. Kahit na anong hina ng katawan mo, nakukuha mo pa rin magbigay ng kaunting paalala; “kumain ka na ba? mag-iingat ka ha..”
May mga kapalpakan ako sa eskwela. Kapalpakan sa buhay. Kadalasan tinatago ko sayo ang mga kabulastugan ko dahil alam kong magagalit ka, pero ang totoo ay alam mo naman ang mga ito. Ayaw mo lang kami pagsabihan dahil ayaw mo kaming masaktan o magtampo sayo.
Iba talaga ang pagsisilbi at pag-aaruga mo sa amin. Isama mo na ang taimtim na pagdarasal at walang humpay ng panalangin para sa aming ikabubuti. Minsan nga ay nagtataka pa ako na kabisado mo pa rin ang mga dasal kahit na malayo na ang iyong edad. Minsan nga ata, kastila pa ang binibigkas mong salita.
Paborito ko rin ang natatanging pagluluto mo ng kare-kare. Medyo nakukuha na ni mommy ang recipe mo pero hindi pa ganoon ka-pulido. Hindi ko alam kung sa sangkap o sa halo pero wala talagang makakatalo sa kare-kare mo. Hindi na nga ako umo-order ng ganun sa labas dahil nadidismaya lang ako.
Araw araw kong pinagmamasdan ang litrato mo sa aming dining area. Kasama mo pa doon ang iyong mga magulang at mga kapatid. Sigurado ako na mire-recreate nyo na ang litrato na yun.
Maraming salamat sa lahat ng pagpapakasakit mo para sa amin. Utang po namin sa inyo kung ano na kami ngayon.
Muli po, maraming salamat.
Ikinagagalak ko pong maging De Leon, gaya ng aking Lola Leonora.