Sir, sa totoo lang, hindi naman ikaw ang binoto ko e. Hindi dahil sa wala akong bilib sa iyo. Hindi lang talaga nagtutugma ang priorities natin.
Ganunpaman, mas malaking porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang pumili sa iyo. Hindi ko rin alam kung bakit, pero para sa sistema ng Demokratikong Pilipinas, wala akong magagawa na sumunod.
Mamaya, manunumpa ka na sa harap ng sambayanan. Tatanggapin mo nang tuluyan ang hamon ng panahon. Sa loob ng anim na taon, ikaw ang magmamaneho ng Bus patungo sa daang matuwid.
Sabi ng iba, pare-pareho lang naman yan. Nagbabago lang ang mukha, pero pareho naman ng gawa. Para sa akin, malaki ang pagkakaiba. Pinuno rin akong maituturing. Kadalasan, palpak din akong magdesisyon. Kung mahusay lang ako, ako sana ang nasa lugar mo ngayon.
Ang akin lang magagawa ay manumpa din sa sarili kong paraan. Sumumpa ng katapatan sa bansa pinamumunuan ng anak ng bayani. Sumumpa na tumulong sa pag-unlad ng bayan, sa sarili kong paraan.
Wala naman akong hinihiling na magarbo at espesyal. Tama na sa akin ang maayos na kalsada. maliwanag na lansangan, payapang paligid, kahandaan ng sandatahan sa panahon ng pangangailangan, at mga pagamutan kapag ako ay nagkasakit. Nariyan na yang mga yan para sa akin, pero para sa mga kapatid ko sa iba’t ibang panig ng mundo, sana nariyan rin ang mga ito para sa kanila.
Patas na laban lang ang hinihiling ko.
At alam kong kayang-kaya mo ito.
Handa ka na ba, Noynoy Aquino?