Tag Archives: random

Random Gift From Not So Random People

Nakatanggap ka na ba ng regalo mula sa taong hindi mo inaasahan na magre-regalo pala sayo. Ako, kanina lang.

Lunch ko kanina, the usual… maglalakad patawid ng Ayala Ave papunta sa Salcedo street para sa JollyJeep Trilogy. Ilalabas ko ang aking celphone at ida-dial ang diwata. Makikipag-kwentuhan sandali.

Gift

regalo. super random regalo

Yan ang lunch routine ko lalung lalo na kapag petsa de peligro. Mura lang ang pagkain kasi sa JollyJeep Trilogy. Sa bente pesos, pwede ka na makapaglunch.

Ang parati kong order dun, isang ulam na 35 pesos, isang kanin na 8 pesos. Total is 43 pesos. Pag medyo gusto ko mabusog, sinasamahan ko ng Pepsi. Doon lang may Pepsi. Wala nang Pepsi sa KFC.

Minsan, may isang stick din ng yosi plus bubblegum or kendi.

Pero kanina, sobrang short ako. Ang pera ko sa bulsa, 80 pesos. Kung 43 ang kakainin ko, sakto na lang ang pamasahe ko pauwi.

Umorder ako ng sisig at kanin. Maraming mayonnaise yung sisig. Medyo matamis siya pero sakto lang ang pait at anghang. Marami ang serving dun kaya paborito ko sa kumain sa JollyJeep Trilogy.

Sa sulok ako nakapwesto. May kaunting space sa kanan ko pero hindi na kasya ang isa pang customer. Tubig na lang ang kasya dun.

Ang maganda pa sa JollyJeep, you may choose your own sabaw. Pinili ko ang sabaw ng adobo para ilagay sa kanin ko. Naglasang fried rice naman siya kaya ayos.

Maalat na kanin para sa matamis na sisig. Good combination.

Kinalahati ko ang pagkain ko. Oras na para mag-decide kung oorder ako ng Pepsi o hindi. Isang subo pa. Parang gusto ko talaga ng Pepsi.

Lumapit sa akin si ate na nagpapatakbo ng JollyJeep. Buntis si Ate. Pang-anim na anak na ata niya yung nasa kanin niya. Biglang ngumiti.

“Sir, Merry Christmas po.”

Simple lang ang sinabi niya pero yung inilapag niyang regalo sa bandang kanan ko ang malupit. Naka-gift wrap pa (kahit hindi na ganun kaganda ang pagkakabalot).

Nagulat ako. Hindi ko inaakala na sila pa ang magbibigay sa akin ng regalo.

Ngiti lang ang naisagot ko. Hindi nga ako nakasagot ng “Happy New Year” dahil puno ang bibig ko ng kanin at sisig.

Nawala na sa isip ko ang Pepsi. Nagtubig na lang ako matapos kumain. Hindi na rin ako nagyosi.

Natutuwa ako sa kabaitan nila.