Papasok ako sa trabaho kanina. Kahit na Holiday ngayon, pinili ko pa rin pumasok dahil walang Rework Agent sa floor. May training kasi yung isa naming kasama at mababakante ang floor ng limang oras. Hindi maaari yun.
Yung pangatlong salin ng Jeep ko. Napasakay ako sa Jeep na minamaneho ng isang lalake na walang maisip na maipagawa sa mga chikiting niya (dahil nga holiday at walang pasok). Nagtitipid siguro sila o talagang gawain lang nila yun, isang pamilya sila sa harap ng sasakyan. Si tatay na driver, si nanay na konduktor, at dalawang bata; isang lalake at isang babae. Mas nakatatanda yung lalake pero magkasing-level lang ang kulit nila.
Nagbayad na ako ng pamasahe, hindi ko ugali ang mga wantutri.
Naririnig ko na medyo paos ang boses nung babae. Lumalabas na tunog lalaki din ang boses niya. Kaya para malaman ko kung sino ang nagsasalita, tinitignan ko sila. Uhugin sila pareho. Bilang pansalo ng kanilang uhog, yung good morning towel na naka-issue sa tatay nila mula sa PISTON.
Naisipan ng batang lalaki na iangat sa dalawang kamay niya ang twalyita. Ginawa niya ito na parang tray na may laman na kung ano. Kakaiba ang imagination ng mga bata kaya tinalasan ko ang pandinig ko para maintindihan kung ano ang nilalaro nila.
Kumakanta pala ng happy birthday to you ang batang lalaki. Pinapalitan niya ang pangalan ng tao ang “to you” at nang matapos ang kanta, biniblow niya ang tuwalya na parang cake.
Sunod naman ang kapatid niyang babae sa pagkanta. Sa totoo lang, pareho silang wala sa tono.
“Happy Birthday Dabit. Happy Birthday Dabit. Happy Birthday Happy Birthday Happy Birthday Dabit.”
Nang matapos ang kantang ito, inulit nanaman nila, this time para sa isa pang kaibigan.
“Happy Birthday Dyuli. Happy Birthday Dyuli. Happy Birthday Happy Birthday Happy Birthday Dyuli.”
Hindi pa sila natapos.
“Happy Birthday Papa. Happy Birthday Papa. Happy Birthday Happy Birthday Happy Birthday Papa.”
Sapilitan nilang pinablow ng twalyita ang tatay nilang driver.
“Happy Birthday Mama. Happy Birthday Mama. Happy Birthday Happy Birthday Happy Birthday Mama.”
Tawa ng tawa ang nanay nila dahil alam nitong sa dami ng kakilala ng magkapatid, hindi matatapos ang kanta.
Bumaba na lang ako ng jeep, kumakanta pa rin ang mga bata ng Happy Birthday, hindi ko narinig gaano ang pangalan pero tunog “Bantay”
Kahit hindi birthday ng tao o hayop, kinantahan nila. Ahaha
— Happy Birthday nga pala sa lahat ng may Birthday ngayong month ng August. Lalung lalo na ang may birthday ngayon na si TL Kristhel at ang aking pinsan na si Riapot.