Tag Archives: san lorenzo

Memory Miyerkules S2: Isaw sa Kanto

dalawang piso lang!

Sa San Lorenzo kami nakatira noon. Doon talaga ako lumaki. Simula Grade 2 hanggang matapos ng High School, dun kami namalagi.

Isa sa mga hindi ko makakalimutan na pinupuntahan e yung Barbecue stand ni Tandang. Yun ang pangalan ng may-ari dahil may alaga siyang mga manok na panabong. At suma-sideline siya ng pagtitinda ng barbecue.

isaw ng manok

ninakaw ko ang photo sa metromanilabarkada.com

Isaw ang paborito ko na binibenta niya.

Yung estante niya, isang de kahoy na parang cabinet na may plastic cover na pantakip para hindi langawin. Medyo  malabo na yung plastic cover dahil sa mantsa ng dugo. Walang nagbabantay ng estante. Honesty system kami doon. Kukuha ka ng gusto mo, dadalhin sa may gate nila at isasalang mo sa ihawan.

Bahala ka na rin kung kelan mo kukunin. Kung gusto mong tostado, patagalin mo sa ihawan. Kung gusto mo na sakto lang, ikaw rin ang bahala. Basta andun yung isang ale na walang humpay sa pagpaypay at pagpahid ng espesyal na sarsa.

Syempre andun din ang garapon na may special vinegar with complete spices. Lahat ng barbecue stops may ganyan. Kung take out ang order mo, may nakahanda na na sawsawan para sayo.

Ang pinakanakakatuwa ay ang presyo ng isaw. Dalawang piso kada stick. Kapareho lang ng dami ng isaw na nakikita ko ngayon sa Makati na may presyo na six pesos. 200% difference.

Saan kaya galing ang isaw ni Tandang?

Memory Miyerkules ang tawag sa aking proyekto para ibahagi ang kwento ng buhay ko na may kinalaman sa sitwasyon ko ngayon. Bukod sa pagbibigay ng maiksing intro para sa mga susunod na blogpost, layunin din nito na maibahagi ang aking talambuhay.

Memory Miyerkules Naka-red

Panahon rin ng simbang gabi noon. Grade 4 ata ako. Alas otso ata ng gabi ang misa.

Bata pa ako nun. Wala pa akong gaanong hiling sa buhay. Gusto ko lang, makasama ang mga kaibigan ko na sila Claire sa simbang gabi. Parang hindi kasi sapat na araw-araw mo silang nakikita sa eskwelahan. Isa pa, papasok na rin ang Christmas vacation at matagal-tagal rin kaming hindi magkakasama.

Sa unang gabi pa lang, pinakilala na sa akin ni Claire si Precious. Maganda siya. Ka-edad lang ata namin. Hindi siya nag-aaral sa pinapasukan namin na school. Kapitbahay ata siya nung isa kong kaklase. Gusto ko siyang makilala ng lubusan. I have 9 days to do that. Hindi na masama.

Gabi-gabi, pumupunta ako sa simbahan na todo bihis. Hindi pwedeng mapahiya. Dapat parating best foot forward. Wala naman akong planong manligaw. Test the waters lang talaga ang plano ko.

Pagdating ng ikalimang misa, naupo kami dun sa gilid ng simbahan, kung saan may decoration na pond at water fountain. Pag nakabukas ang tubig, hindi maririnig ng pari ang kwentuhan namin. Hindi kami magkatabi ni Precious sa upuan. Si Claire ang nasa gitna namin.

Nagkukwentuhan sila. Pinaguusapan ata nila yung crush ni Precious na nagsisimba rin nung mga panahon na yun.

“Sino ba yung crush niya?”, tanong ko.

“Naka-red”, sagot naman ni Claire.

Humaba ang leeg ko. Ini-scan ko ang area sa mga naka-red. “Saan dyan?”

“Sus, tumingin pa sa malayo”, parinig sakin ni Claire.

Napatingin ako sa sarili ko. Red ang suot ko nung gabi na yun. Nang lumingon ako sa gawing kaliwa kung nasan si Precious, red na rin ang mukha niya.

Alam na….

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.

P:MM – Basketball sa Ulan

10yrs old ako nung ako ay grade 4. Mahilig akong lumabas ng bahay pag mababa na ang araw para maglaro sa kalsada. Original na Pilipinong laro ang mga nilalaro namin.

Sa kalsada ng blocks 7 and 8 sa loob ng San Lorenzo South Subdivision ako natutong mag tumbang preso, taguan pung, at moro-moro. Parati kong kalaro ang mga kapitbahay namin. Hindi parating sumasali ang kuya ko dahil iba ang hilig niyang gawin. Ang maliit ko naman na kapatid ay hindi pa pwedeng sumali dahil anim na taon pa lang siya noon.

Meron din naman kaming kaibigan mula sa block 2. Medyo malayo na lugar yun. Basketball ang hilig niya. Isa siya sa mga lider ng mga sakristan sa amin. Nagsisimulang miyembro pa lang ako noon. Mas magkakilala sila ng kuya ko na mas nauna sa akin sa pagiging sakristan.

Isang araw, naisipan kaming puntahan ng kaibigan namin na ito. niyaya niya kami maglaro ng basketball. May bagong tayong basketball court sa kabilang kalsada. Susubukan namin maglaro doon. Pumayag naman kami kahit alas kwatro y medya na. May oras pa naman at hindi pa darating ang aming mga magulang.

Iniwan namin sa bahay ang kapatid naming 6yrs old.

Hindi namin namalayan ang oras sa paglalaro ng basketball. Dumilim na ang paligid, pero hindi namin ito nahalata dahil saktong nasa ilalim ng street light ang bagong basketball ring. Tira lang ng tira habang nakikita pa ang ring.

1 point na lang at mananalo na ang team ko. Hawak namin ang bola at dumidiskarte kami para maka-shoot. Kunwari pa ay bnibilangan namin ang sarili para magkaroon ng thrill ang bawat play.

Hindi namin nahalata na ang kadiliman ng paligid ay hindi dahil sa gabi na, kundi sa pagtaklob ng mga nimbus clouds sa haring araw na papalubog. Bigla na lang bumuhos ang ulan. Malalaki ang mga patak at wala na kaming oras para sumilong.

Hindi ako papayag na i-give up ang huling puntos dahil sa kakaunting ulan lamang. Ganun din ang iniisip ng mga kalaro ko. Hindi ako magpapatalo sa larong ito. Tinuloy namin ang laro at pinilit na makashoot.

Hindi kami nagtagumpay, naagaw ng kalabang koponan ang bola. Sila naman ang susubok.

Pero huminto na ang laro namin.

Dumating ang tatay ko sakay ng Tamaraw FX namin na si UGU (plate number ng sasakyan). Binusinahan kami ng tatay ko ng isang mahaba at malakas na busina. Pareho ito ng tunog na maririnig mo pag tapos na ang laro ng basketball sa PBA.

Alam namin na lagot kami. Naglakad kami papauwi na basang basa sa ulan. Hindi kami pinasakay sa sasakyan. Naka bright ang ilaw ni UGU habang sinusundan kami pauwi sa bahay.

Alam kong galit ang tatay ko nun pero hindi niya kami pinagalitan. Malamang ay hindi niya alam kung paano magsisimula. Pagagalitan ba niya kami dahil sa pag-iwan sa kapatid namin sa bahay mag-isa o dahil naglaro kami ng basketball sa ulan.

Hanggang ngayon, hindi pa niya ito nababanggit sa amin.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.