Tag Archives: tatay

#LetDadKnow

“Palamuti na lang ba ako dito?”

NOT the exact words na binanggit ng tatay ko at one point in my life. Hindi sakto dahil bata pa ako nun. Mas maganda pa ata ang sinabi niyang dialogue kesa dyan. Hindi ko lang na-record dahil wala pa akong celphone nun.

At Elementary pa lang ata ako nun.

Yun yung mga panahon na ginagabi ako ng uwi dahil sa tambay after basketball practice sa paghahanda ng back-to-back championships ng midgets team namin na SAINTS. Puspusang laro.

Sa umaga, sa clubhouse ng phase 1. Sa tanghali, sa clubhouse naman ng Phase 1-C. Pagdating ng gabi, phase 1 ulit. Magpapa-ilaw pa kami ng court pag 10pm-11pm dahil yun lang ang oras na pwede kami maka-libre o maka-discount.

Grade 6 going First Year ako nun.
Bulakbol ako nun bata.
Well, hanggang ngayon naman.

I can not imagine kung paanong pag-aalala at pag-iisip ng parents ko pag bigla akong nawawala sa bahay sakay ng bisikleta namin na si Renegade. Yung akala mong bibili lang ng pandesal sa kanto, aabutin pa ng apat na oras dahil may makakasalubong na tropa sa  kalsada at mayayaya na. Minsan din, nagpupunta ako sa mga bahay ng mga De La Cruz sas Phase 1-A para tumambay dun hanggang dinner.

Pasaway di ba?

Kung nauso na ang generation ng Millenials noon, no choice siguro ang dad ko kundi mag subscribe sa Twitter feed, mag-ON ng notifications sa FB, o mag follow sa Instagram account ko; para lang malaman niya kung nasaang lupalop na ako ng Pilipinas. Kung may maibibigay akong tip sa mga parents ngayon, yun e yung aralin ang mga mobile devices nila para gawin ito.

Dahil tamad ang kabataan magsabi sa parents nila kung nasan sila.

Problema pa rin namin ito hanggang ngayon. Madalang na nasasabi ko pa sa tatay ko kung saang event ako pupunta at sino mga kasama ko. Nalalaman na lang niya pag-uwi ko.

Mababago pa kaya ito?

Basta, kung mayroon akong gustong ipaalam sa Dad ko, yun ay “Mahal na mahal ko sila ni Mami”, at “OK lang ako”. Hindi ko nakagawian na sabihin ng diretso, at hindi ko rin ugali na i-txt pa sila ng ganito.

This time, gusto ko rin sila tanungin… “Dad, kumusta?” , “Dadi, ano balita?” , “Paderr, ok ba tayo dyan?”

Simulan natin mag-open ng conversation. Dad’s have the right to know, di ba?

#HappyFathersDay

 

P:MM – Basketball sa Ulan

10yrs old ako nung ako ay grade 4. Mahilig akong lumabas ng bahay pag mababa na ang araw para maglaro sa kalsada. Original na Pilipinong laro ang mga nilalaro namin.

Sa kalsada ng blocks 7 and 8 sa loob ng San Lorenzo South Subdivision ako natutong mag tumbang preso, taguan pung, at moro-moro. Parati kong kalaro ang mga kapitbahay namin. Hindi parating sumasali ang kuya ko dahil iba ang hilig niyang gawin. Ang maliit ko naman na kapatid ay hindi pa pwedeng sumali dahil anim na taon pa lang siya noon.

Meron din naman kaming kaibigan mula sa block 2. Medyo malayo na lugar yun. Basketball ang hilig niya. Isa siya sa mga lider ng mga sakristan sa amin. Nagsisimulang miyembro pa lang ako noon. Mas magkakilala sila ng kuya ko na mas nauna sa akin sa pagiging sakristan.

Isang araw, naisipan kaming puntahan ng kaibigan namin na ito. niyaya niya kami maglaro ng basketball. May bagong tayong basketball court sa kabilang kalsada. Susubukan namin maglaro doon. Pumayag naman kami kahit alas kwatro y medya na. May oras pa naman at hindi pa darating ang aming mga magulang.

Iniwan namin sa bahay ang kapatid naming 6yrs old.

Hindi namin namalayan ang oras sa paglalaro ng basketball. Dumilim na ang paligid, pero hindi namin ito nahalata dahil saktong nasa ilalim ng street light ang bagong basketball ring. Tira lang ng tira habang nakikita pa ang ring.

1 point na lang at mananalo na ang team ko. Hawak namin ang bola at dumidiskarte kami para maka-shoot. Kunwari pa ay bnibilangan namin ang sarili para magkaroon ng thrill ang bawat play.

Hindi namin nahalata na ang kadiliman ng paligid ay hindi dahil sa gabi na, kundi sa pagtaklob ng mga nimbus clouds sa haring araw na papalubog. Bigla na lang bumuhos ang ulan. Malalaki ang mga patak at wala na kaming oras para sumilong.

Hindi ako papayag na i-give up ang huling puntos dahil sa kakaunting ulan lamang. Ganun din ang iniisip ng mga kalaro ko. Hindi ako magpapatalo sa larong ito. Tinuloy namin ang laro at pinilit na makashoot.

Hindi kami nagtagumpay, naagaw ng kalabang koponan ang bola. Sila naman ang susubok.

Pero huminto na ang laro namin.

Dumating ang tatay ko sakay ng Tamaraw FX namin na si UGU (plate number ng sasakyan). Binusinahan kami ng tatay ko ng isang mahaba at malakas na busina. Pareho ito ng tunog na maririnig mo pag tapos na ang laro ng basketball sa PBA.

Alam namin na lagot kami. Naglakad kami papauwi na basang basa sa ulan. Hindi kami pinasakay sa sasakyan. Naka bright ang ilaw ni UGU habang sinusundan kami pauwi sa bahay.

Alam kong galit ang tatay ko nun pero hindi niya kami pinagalitan. Malamang ay hindi niya alam kung paano magsisimula. Pagagalitan ba niya kami dahil sa pag-iwan sa kapatid namin sa bahay mag-isa o dahil naglaro kami ng basketball sa ulan.

Hanggang ngayon, hindi pa niya ito nababanggit sa amin.

Tuwing Wednesday, magb-blog ako tungkol sa naaalala ko sa aking kabataan. Ito ang aking “Project:  Memory Miyerkules” .

Layunin nitong maisulat paunti unti ang aking talambuhay.

Celebrate naman tayo

Birthday ng tatay ko. Kahit gabi na ako nakauwi dahil sa paggawa ng mga tasks, naabutan pa rin namin siya na naghahanda na para magsimba. Siyempre, dalawa sila ng nanay ko na magsisimba.

Taun-taon ko talagang nakakalimutan ang tunay na araw ng bertday ng tatay ko. Ang naaalala ko kasi noong bata ako, kung kailan kami pwede lumabas, yun ang bertdey ng tatay ko. Kaya tuloy nalilito ako kung September 4, 5 o 6 ang bertdey niya. Basta alam ko, September, at kapag sinabi ng nanay ko na bertdey ng tatay ko, sure yun, bertdey nga ng tatay ko.

Simple lang magcelebrate ang tatay ko ng bertdey. Dapat lang meron pansit, meron ice cream (sponsor ng kuya ko), may cake (sponsor ako), at kumpleto ang lahat sa oras na pagsasaluhan ito. Wala naman gaanong nagaganap na inuman, sayawan, o kung anu-ano pa na nakikita sa mga bertdeyan. Ok na sa tatay ko ang simpleng kaarawan.

Ngayon nga, meron siyang kasabay na celebration sa may kapitbahay, at kahit bertdey niya, nangangapitbahay pa rin sila sa oras ng tanghalian para dun makikain. Wala naman kaso sa tatay ko yun.

Sa simpleng buhay bg tatay ko ngayon, nakikita ko ang kasiyahan na nabibigay ng pamilya. Hindi na bale kung wala kaming litson na pinagsasaluhan, ok lang kung handa ng kapitbahay ang kinakain namin. Basta ang importante, kumpleto kami at nagsasalu-salo.

Para sa tatay ko, walang nang mas sasarap pa sa hapunang pinagsasaluhan ng lahat.